Oranza wagi sa Stage 1 ng Ronda Pilipinas Visayas Leg

BAGO CITY, Negros Occidental — Ipinadama ni Ronald Oranza ang matinding pagnanais na masungkit ang kanyang pinakamimithing pinakaunang korona.

Ito ay matapos itala ni Oranza ng Philippine Navy-Standard Insurance ang mahirap itala na kasaysayan sa ginaganap na 2016 Ronda Pilipinas nang duplikahin ang pagsungkit sa Stage One ng Visayas Leg dito na nagsimula at nagtapos sa harap ng Manuel Torres Coliseum and Culture Center.

Maaalala na napagwagian ni Oranza ang Stage One at Stage Two sa unang yugto ng Mindanao Leg bago nito muling inangkin ang 46.95 kilometrong criterium na kinasangkutan ng insidente sa matinding rematehan sa pinakahuling lap kontra sa matinding hamon ng 33 iba na sumaling malalakas na koponan mula sa Team Davao City at Team Iloilo.

Gayunman, kahit nagwagi ng dalawang yugto ay hindi nakuha ni Oranza ang kampeonato na iniuwi ng kakampi na si John Paul Morales dahil sa point system.

Kaya ngayon ay isinumite ng 22-anyos mula Villasis, Pangasinan na si Oranza ang kabuuang oras na 1:09:23.946 upang ungusan sa rematehan sa huling lap ang kakampi na si Rudy Roque (1:09:24.082) at ang miyembro ng Team LBC na sina Rustom Lim (1:09:24.401) at Ronald Lomotos (1:09:26.304).

Nabahiran ng masaklap na insidente ang Stage One matapos na sumemplang ang siklista mula Davao City na si Richard Nebres ng Team ASG. Hindi nakumpleto ni Nebres na makatawid sa finish line matapos na masira ang kanyang bisikleta.

Ikalima naman si Daniel Vien Carino ng Navy (1:09:29.012), ikaanim si Joel Calderon ng Navy (1:09:26.314), ikapito si Morales (1:10:07.660), ikawalo si Julius Mark Bonzo ng Team LBC/MVP (1:10:08.943), ikasiyam si Lloyd Lucien Reynante ng Navy (1:10:09.935) at George Oconer ng Team LBC/MVP (1:10:11.899).

Inangkin din ni Oranza ang dalawang nakatayang Intermediate Sprint sa karera upang tipunin ang tig-limang puntos para sa kategorya na Sprint King. Nakuha rin ni Oranza ang kabuuang 15 puntos para sa overall classification upang isuot ang green at red jersey.

Nakuha naman ni Novendane Alejado ng Team Iloilo ang yellow jersey na para sa best homegrown rider.

Samantala tatawid dagat ngayon ang LBC Ronda Pilipinas 2016 Visayas Leg patungo sa Iloilo
upang humanap pa ng mga talento at kabataang posibleng maging kampeon sa cycling sa lokal at internasyonal na karera.

Isasagawa bukas ang Stage Two na siyang magiging tampok na aktibidad sa gaganapin na Iloilo Bike Festival na isang criterium para sa mga Executive riders na maglalabanan sa loob ng 30 minuto at tatlong dagdag na lap bago sundan ng Pro/Elite na sisikad sa loob ng isang oras at dagdag na tatlong lap.

“We want to use LBC Ronda Pilipinas as not only to give our local riders some additional income but to also discover talents from the far flung areas like Mindanao and the Visayas,” sabi ni Ronda project director at LBC Sports Development head Moe Chulani.

Ang krusyal na Stage Three, na isang 121.50 kilometrong road race at nakataya ang espesyal na kategorya tulad ng King of the Mountain at Sprint na may nakalaang importanteng puntos, ay tatahakin ang buong siyudad ng Iloilo sa Martes patungo sa Roxas City.

Kukumpletuhin ang Visayas Leg sa race against time na Individual Time Trial Stage Four sa umaga at ang Stage Five na criterium sa hapon.

Ang karera, na maayos at matagumpay na pinatatakbo ng LBC Express sa pamamagitan ng kanilang logistics, ay may pahintulot ng PhilCycling at suportado ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Petron at Versa Radio-Tech 1 Corp. pati na ang Maynilad at NLEX bilang minor sponsors.

Read more...