Inaalat ang Tropang TNT

MUKHANG hindi maganda ang pagkakalinya ng mga bituin para sa Tropang TNT sa kasalukuyang season ng Philippine Basketball Association. Aba’y hindi na sila nakumpleto!

Hindi ba’t sa nakalipas na Philippine Cup ay nagtamo kaagad ng back injury si Ranidel de Ocampo ilang games pa lang ang nakakalipas buhat nang magsimula ang torneo. Hindi na siya napakinabangan ng Tropang Texters hanggang dulo. Tuloy ay walang nangyari sa kampanya nila at hindi sila nakarating sa semifinal round.

Dito naman sa kasalukuyang Commissioner’s Cup, aba’y hindi pa nagsisimula ang torneo ay nasuspindi at napatawan ng fine ang import na si Ivan Johnson. Mabuti na lamang at nagwagi sila sa kanilang unang laro kahit pa all-Fiilipino sila.

Pero sa pagbabalik ni Johnson sa hardcourt, aba’y hindi siya tumagal ng dalawang quarters. Na-thrown out kaagad siya at sa  halftime ng laro ay nagdesisyon si commissioner Chito Narvasa na patawan siya ng lifetime ban bunga ng pambabastos sa kanya. Mabuti na lang at nabago ang desisyon at suspension lang hanggang sa katapusan ng season ang nangyari. Puwede pa siyang maglaro muli sa Tropang Texters sa isang taon.

Pero kinailangang maghanap ng kapalit na import ang Tropang Texters. Naparating nila si David Simon. Ang siste’y minsan pa lang nagawang manalo ng Tropang TNT mula nang siya ay dumating.

Sa kanilang huling laro laban sa Star Hotshots ay nabura ang 18 puntos na kalamangan ng Tropang Texters at nakabalik ang kalaban. Hayun at nagwagi ang Hotshots, 96-88. Dahil dito ay naghawak kamay ang Tropang Texters at Hotshots sa ibaba ng standings sa record na 2-4.

Pero teka, teka. Hindi roon natapos ang kamalasan ng Tropang Texters. Sa laro laban sa Star ay nagtamo ng injury sa paa si Jayson Castro at tila ito ang dati niyang kapansanan. Baka raw hindi makapaglaro ng ilang games ang kanilang pambatong guwardiya.

Kung wala si Castro, sino ang bubuhat sa Tropang Texters? E naipamigay na nila si Jimmy Alapag sa Meralco na ngayon ay nangunguna sa Commissioner’s Cup.

May tatlong legit point guards pa naman si coach Joseph Uichico at ito ay sina Ryan Reyes, Jai Reyes at Dennis Miranda. Pero hindi nga nagagamit si Miranda ng ilang games, e. Hindi rin natin alam kung may iniinda ito.

Si Ryan Reyes ay dating Rookie of the Year awardee. Pero madalas din kasing may injury ito. Kaya kahit paano ay hindi puwedeng itodo nang husto ang manlalarong ito at baka biglang bumigay.

Kung si Jai Reyes naman ang  aasahan nila ay maagrabyado ang Tropang Texters dahil napakaliit
nito.

Kung sabagay ay puwede namang gamitin bilang emergency point guard ang Fil-Am na si Matthew Ganuelas Rosser. Pero baka hindi nito magampanan nang matagalan ang papel na point guard.

Anu’t anuman ay umaasa si Uichico na hindi pangmatagalan ang injury ni Castro at makababalik siya kaagad. Kasi hindi lang naman pagtitimon ang inaasahan sa kanya kundi pati pagpuntos.

Nakakabahala naman kung mami-miss ng Tropang TNT si Castro sa yugtong ito. Kung tutuusin nga’y kapag napanatili ng Tropang Texters ang kanilang titulo baka puwedeng maging contender si Castro para sa Most Valuable Player award.

Kung mawawala si Castro aba’y saan pupulutin ang Tropang TNT?

Read more...