KINAUSAP ni Jaclyn Jose nang masinsinan ang kanyang anak na si Andi Eigenmann at pinayuhan itong mag-quit na sa showbiz at hangga’t maaari ay huwag ding payagang mag-artista ang kanyang anak na si Ellie.
Sa nakaraang presscon ng bagong afternoon teleserye ng GMA na The Millionaire’s Wife starring Andrea Torres and Mike Tan, napag-usapan ang tungkol sa magkasunod na pagkamatay nina direk Wenn Deramas at direk Francis Pasion. Idagdag pa ang kundisyon ngayon ng talent manager/coordinator na si tita Angge na nananatiling walang malay sa ospital.
Marami ang nagsasabi na may kunek daw ang pagkamatay ng dalawang direktor sa working hours at style ng kanilang pagtatrabaho nang walang patumangga.
Natanong si Jaclyn ng entertainment press kung ano ang komento niya sa mga pangyayari, “Natatakot ako, siyempre. Nakakaalarma. Nakakatakot.
“Considering na mula nang nag-artista ako, hindi ako tumitigil up to now. Hindi ako tumitigil simula nang mag-start ako mag-artista. I also have to think it over. Akala kasi natin imortal tayo, nasa showbiz tayo, hindi natin iniisip na mortal tayo,” ani Jaclyn na gumaganap na namang kontrabida sa The Millionaire’s Wife na magsisimula na sa Lunes, March 14.
Dahil dito, talagang kinausap daw ni Jaclyn si Andi, “I already spoke to my daughter not to let Ellie enter show business.
“I want my children to live a long life and be happy because, the next day, hindi mo na nae-enjoy ang life mo because puyat ka nga, di ba?
“So, sinasabihan ko si Andi na, ‘Anak, mag-ipon ka nang mag-ipon hangga’t mas maaga. At kung maaari na makalabas ka dito sa mundong ito, gawin mo, kasi alam ko kung paano ma-trap dito dahil nangyari sa akin.’
“I told them, ‘Ang dream ko sa inyo, to have a family, a regular life, a normal life ‘coz our life, hindi normal.’
“Ang dream ko sa kanila, magtapos sa kolehiyo, magkaroon ng pamilya, huwag mag-cheat sa asawa, manatili sa bahay, maghapunan nang sabay-sabay, manalangin, manood ng palabas na gusto nila, matulog nang masarap, gumising kinabukasan nang masaya,” pahayag pa ng award-winning Kapuso actress na nagsimula sa showbiz noong pang 23 years old siya. Turning 53 na si Jaclyn this year.
Ayon pa sa veteran actress, may mga ginagawa na silang paraan para maging maayos na ang working hours and conditions sa taping at shooting, “We’re working on it. Aware na rin naman ang taga-production at taga-networks, e. We’re working on it, me and my group are working on it to do something about it.
“Hindi naman sa ilalaban (sa mga TV stations at producers). Mararamdaman. Sabihin natin nang ganu’n. Hindi na naman natin kailangang magsalita, in fairness din naman sa networks at producers, because I am sure they are very much aware of what’s going on,” aniya pa.