MAHIRAP maging patas sa paghusga, dahil may mga motibo sa bawat paghuhusga. Ang paghuhukom ay di base sa sariling kapakanan. Higit na kahindik-hindik ay ang paghusga nang dahil sa kakulangan sa kaalaman. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 49:8-15; Slm 145; Jn 5:17-30) noong Miyerkules, sa ikaapat na linggo ng Kuwaresma.
Martes nang ibaba ng Korte Suprema ang hatol sa kaso ni Grace Poe. Unang Misa pa lamang (alas-5 n.u., sa ibang parokya at alas-6:30 sa karaniwan) kinabukasan ay ito na ang laman ng Pagninilay pagkatapos basahin ng pari ang Magandang Balita mula sa Aklat ni Juan, o ang Ikatlong Pagbasa. Nagkataon lang? Nakapananayo ng balahibo.
Hindi pa tapos ang eleksyon dahil sa hatol ng SC. Simula ngayon hanggang Mayo 9, maraming bagay pa ang mangyayari (kapag puwedeng mangyari, guni-guni yan). Dalawa ang entablado ngayon. Isa, ang popularidad; at ang isa ay kung sino ang makapagbibigay ng totoong trabaho at pagkain. Hindi makakain ang popularidad.
Bagsak sa lona si Mar Roxas dahil sa hatol ng SC kay Poe. Dapat kunin na niya ang tuwalya at huwag nang lumaban. Mas makabubuting sumuko na siya dahil mas malalakas ang kalaban at iniwanan na rin siya ng kanyang trainer-coach. Kapuna-puna na humaharap na si Rated K. Nakamasid si Mommy at hinihintay pa rin kung kailan makahahatak ng boto si Rated K.
Papayag ba ang AFP, PNP at NPA-NDF (huwag na nating isama ang Moro) na dayain ni BS Aquino ang eleksyon? Labinlimang heneral ng AFP at PNP ang susuporta sa pag-aalsa ng taumbayan sa garapalang dayaan sa halalan sa Mayo. Maaaring huling yugto na ito ng demokrasyang magnanay na Aquino pero “never again” na maulit pa ang demokrasyang dilaw. Di igagalang ng AFP at PNP ang maruming halalan.
Ang unang sabak ni FPJ sa politika ay noong 1969, pagkatapos na siya’y ikasal (o sila’y ikinasal, depende sa puwesto ng salumpuwet) noong Dis. 25, 1968, na ang ninong at ninang ay sina FM at FL (Imelda Marcos). Masidhi ang kampanya ni FPJ kay FM at napakalaki ang naitulong ni FPJ kay FM. Hanggang kampanya lang si FPJ at walang ambisyon sa trono.
Mas lalong di nakaahon sa kumunoy ang Ikalawang Aquino nang banatan niya ang torture ng martial law. Hindi taumbayan ang na-torture noong 1081 kundi mga komunistang isinulong ang extortion sa mga negosyante’t politiko. Ang extortion ay nagaganap hanggang ngayon. Dahil sa kapalpakan nina Cory at Noy, nagkaroon ng punto-kumpara ang taumbayan sa martial law,na tinawag na gintong mga taon ng isang pahayagan sa Amerika.
Para kayo maaliw, subaybayan ang umiinit na politika sa Maynila. Walang bago, dahil replay lang ang nagaganap na mga nangyari noong 2013. Artista versus pulis pa rin ang palabas, yung iba, na ibig makasingit, ay huwag na. Nagkataong napakagaling ng artista at sa tuwing babanat ay bago ang eksena: Batang Quiapo, Asiong Salonga, Geron Busabos. Yung pulis, tila nalulon ang pito, kaya walang silbato.
Kanino kaya sasabit si Ben Evardone ng Samar? Kay Poe? Kay Binay (pero kilala siya ni Binay)? Kay Duterte (kilala rin siya ni Duterte)? Siyempre, hindi kay Roxas. Kay Miriam? Malayo. Kay Bongbong muna? Puwede.
MULA sa bayan (0916-5401958): Wag iboto si PJ Malonzo ng Caloocan. Kung umasta ang kanyang campaigners ay hari sa kalye. Minicab lang ang sasakyan ay balagbag pa ang parada habang kumakarga sa gasolinahan. Mayayabang sila. …8790