NAGSIMULA nang mag-taping sina Heart Evangelista at Dennis Trillo para sa kanilang bagong Kapuso teleserye na Juan Happy Love Story.
Sa litratong ipinost ng aktres sa Instagram, makikitang naka-wacky pose pa ang balik-tambalang DenHeart na parehong nakapantulog at tila nagkukulitan sa kama.
“First day taping of my #juanhappylovestory! I think this will be my favorite soap! Super excited ako na mapanood niyo,” ang caption na inilagay ni Heart sa kanyang IG post.
Bago para sa misis ni Sen. Chiz Escudero ang vibe ng teleseryeng ito, in fact, first time raw ng aktres na gagawa ng romantic comedy serye na medyo naughty and sexy.
Siyempre hindi lang si Heart ang excited kundi maging ang mga DenHeart fans na bukod sa inaabangan ang kanilang reunion project, ay gusto ring makita kung paano gagampanan ng dalawang Kapuso ang kanilang mga challenging roles.
Gagampanan ni Heart ang karakter ni Happy, very family-oriented at romantic girl na choosy sa mga lalaki.
Samantala, busy man sa taping ng kanyang bagong serye, tuloy pa rin ang pangangampanya ni Heart para sa kanyang other half. Talagang hindi magpapaawat ang aktres sa pag-push to the highest level ng kampanya ng kanyang hubby, at sa tuwing wala raw syang taping ay talaga maglilibot sya sa mga lugar na hindi mapupuntahan ni Sen. Chiz.
Noong Martes, sa selebrasyon ng International Women’s Day na in-organize ng Gabriela, ay pumunta si Heart at nagpakita ng support sa mga taong nagsusulong ng karapatan ng mga kababaihan. Nakasama niya rin dito ang presidential running mate ni Chiz na si Sen. Grace Poe.