NATURAL lang na sa ginawang pamamaalam ni Kris Aquino ay magkakaibang emosyon at opinyon ang kanyang tinanggap. Maraming nakaintindi sa kagustuhan niyang matutukan ang kanyang kalusugan at ang kanyang mga anak na sina Josh at Bimby.
Pero mas maraming hindi naniniwala na kaya niyang tuparin ang sinasabi niyang pansamantalang pagtalikod sa trabahong minahal niya, dalang-dala na ang ibang kababayan natin sa mga nauna niyang sinabi, nagsalita siya nang tapos pero hindi niya naman ‘yun napanindigan.
Mas marami rin ang nagkomento na kaya niya gagawin ang pamamahinga ay dahil nararamdaman na kasi ni Kris ang pagbagsak ng kanyang career, hindi na raw kasi kumikita ang kanyang mga pelikula, hindi na rin kaabang-abang ang kanyang TV show.
At pati ang pagtatapos ng termino ng kapatid niyang pangulo ay nakaladkad na rin sa usapin, mawawala na raw kasi ang naaamot niyang kapangyarihan kay P-Noy, inunahan na raw niya ang pagbaba nito sa Palasyo.
Pero kung totoo naman na ang kalusugan niya ang tunay na dahilan ng kanyang pansamantalang pamamahinga ay walang problema. Mahirap ang kalagayan ni Kris, taas-baba ang kanyang blood pressure, hindi normal ang ganu’n.
Hiling ng mga basher ni Kris ay bilisan na niya ang mga araw, hilahin na raw niya ang mga oras para March 23 na, ang petsang ibinigay niya sa kanyang pamamahinga.
“Maniwala na kasi tayo kay Kris para umalis na siya!” pang-iimbita pa ng isang basher sa kanyang mga kaibigan.