Editorial: ‘Beh, buti nga…’

IYAN marahil ang masasabi ngayon ng kampo ni presidential bet at Senador Grace Poe sa mga kalaban niya na talaga namang umasa at gumawa ng paraan para tuldukan ang kanyang hangarin na makatakbo sa pagkapangulo ngayong Mayo 9.

“Beh, buti nga…” marahil ang kayang ibulalas ng mga taga-suporta ni Poe na nanindigan at hindi umiwan sa kanya sa mga panahon na tila wala nang patutunguhan ang kanilang laban.

Sa botong 9-6, pinayagan ng Korte Suprema nitong Martes na makatakbo sa pampanguluhan si Poe. Sumang-ayon ang korte sa argumento ng kampo ni Poe na nagkamali at umabuso sa kanilang discretion ang Commission on Elections (Comelec) sa ginawang pagkansela ng kanyang Certificate of Candidacy (COC).

Ang pagkakakansela ng kanyang COC sa Comelec ay base na rin sa apat na disqualification case na iniharap laban kay Poe nina dating Senador Francisco “Kit” Tatad, dating University of the East law dean Amado Valdez, De La Salle University Professor Antonio Contreras at dating Government Service Insurance System chief legal counsel Estrella Elamparo.

Kaya nga isang malutong na “beh, buti nga…” ang da-pat ipasapol sa apat na ito na minsan na ngang pinagdudahan na nagpagamit sa ilang kalaban ni Poe na despe-radong ikanal ang senadora at hindi tuluyang makatakbo sa pagkapangulo.

At isa ring malutong na “beh, buti nga…” sa mga presidentiables na kumutya at nagpasaring kay Poe na wala siyang karapatang tumakbo dahil sa kawalan niya ng kakayahan; at nakisawsaw at nambuyo na dapat ngang idiskwalipika siya sa halalan dahil hindi siya natural born Filipino dulot na rin sa pagi-ging isa niyang pulot o foundling at hindi pumasa sa residency requirement.

Sampal na maituturing sa mga taong umapi kay Poe ang naging desisyon ng Korte Suprema; at posibleng mag-asawang sampal pa ang kanilang matanggap sa sandaling sa senadora ibigay ng taumbayan ang mandato bilang susunod na pangulo.

At kahit hindi pa man dumarating ang araw ng halalan, nasabi na kaagad ni Poe sa kanyang sarili na ang naging desisyon ng SC ay isa nang malaking tagumpay para sa kanya.

Oo nga’t hindi pa pinal ang tagumpay na tinamo ni Poe pero sapat na ito na kahit papaano ay nagbigay ito ng pag-asa at liwanag sa kanya na isang pulot o foundling.

Ang mapaboran kasi ng mayorya ng mga miyembro ng Korte Suprema sa isang laban na sa tingin ng iba ay malabo niyang maipanalo ay hindi lang din tagumpay niya kundi ng mga indibidwal na gaya niyang “pulot” o foundling na nangangailangan ng kasiguruhan na patas sa kanila ang batas.

Read more...