Speaker kay Pacquiao: Laban kay Bradley i-reschedule o huwag nang tumakbo

MANNY PACQUIAO

MANNY PACQUIAO

Para kay Speaker Feliciano Belmonte Jr., dalawa lamang ang opsyon ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao— ipagpaliban ang kanyang laban o huwag ng tumakbo sa pagkasenador.
Ayon kay Belmonte mas makabubuti kay Pacquiao kung ipagpapaliban na lamang ang kanyang laban kay Timothy Bradley pagkatapos ng May 9 elections.
“He can always fight after the elections. It doesn’t really matter if postponing it (for) a few months and yet it makes a big difference giving people a sense of fairness, that he has been fair to his opponents,” ani Belmonte sa isang panayam.
Sinabi ni Belmonte na dagdag sakit ng ulo ni Pacquiao ang pagharap sa reklamo.
“Eh di umatras na lang siya sa pag se-senador. kung talagang gusto niyang maging senador, dapat inisip isip mabuti na hindi ka dapat pumirma ng ganung klaseng kontrata,” dagdag pa ng lider ng Kamara.
Naniniwala ang kampo ni Pacquiao na wala itong lalabagin kung matutuloy ang laban nito sa susunod na buwan.
Ayon sa abugado ni Pacquiao na si Antonio Carlos Bautista hindi sinadya kundi nagkataon lamang na panahon ng kampanya naitakda ang laban ni Pacquiao. Kung pagbabatayan umano ang mga naunang laban ni Pacquiao ito ay ginagawa ng Abril at Mayo.
Hindi rin umano si Pacquiao ang nagdidikta kung kailan gagawin ang laban at maraming kontrata na nakapaloob dito.
Kung sakali man na sasabihin ng Commission on Elections na ang laban ay isang partisan political event at bibilangin ang oras ng laban ni Pacquiao, sinabi ni Bautista na hindi mauubos ang 120 minuto sa telebisyon at 180 minuto sa radyo laan para sa political advertisement.
Sumulat si Atty. Rene Saguisag at dating Akbayan Rep. Walden Bello, na kumakandidato sa pagkasenador, sa Comelec upang linawin ang isyu.
30

Read more...