Si Puring ba iyan?

ANG batas ay di dapat nananakot at sumusupil. Bagkus, ito’y nagbibigay ng liwanag, lalo na sa aba. Ang pagsunod sa batas ay di dapat humantong sa kapalaluan at pagkawala ng dangal ng mahihirap. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dt 4:1, 5-9; Slm 147:12-13, 15-16, 19-20; Mt 5:17-19) sa ikatlong linggo ng Kuwaresma.

Ang mapaniil at mapanupil na batas na umiiral ay ang sobrang pagbubuwis sa arawang obrero, sa minimum wage na mga kawani. Napakalaki ang kabig ng gobyerno, pero walang biyaya at di nakikinabang ang arawang obrero’t kawani. Sa ilang militanteng pari ng Diosesis ng Malolos, inuunawa nila ang abang kumakapit sa patalim. Patawarin ka ng Diyos.

Hindi naman nagulat (o ang ilan ay hinimatay) sa Crame nang sumabog ang balita na si “Alan La Madrid Purisima” ay binigyan ng Pagcor ng aabot sa P1 bilyon bilang bahagi ng ayuda para sa Philippine Sports Commission. Ito man, o hindi, ang naalis na hepe ng PNP, simula na ito ng marami pang pangalan na malapit kay Pangulong Aquino ang mabubulgar dahil wala nang pipigil sa pagsingaw ng kanilang baho, gayung tatlong buwan na lang ang anak nina Ninoy at Cory sa poder.

Bakit walang nangyari sa kasong kriminal ni Florencio Abad politician. Ang aking source sa Ombudsman ay tinanong ko, pero di ako sinagot. Kaya tinanong ko si Gob. Bono Adaza. Ang sagot niya: All cases against the boys and girls of PNoy enjoy years of sleep in the Ombudsman or the DOJ without any action. It will be only be after the Pnoy administration that there will be action on those cases. That is the law of life in this country until the system changes.

Si Apung Iru (kung di ninyo siya kilala, itanong ninyo kay Manny V. Pangilinan), ang 200 taon imahe ni San Pedro at patron ng Apalit, Pampanga, ay nagpakita raw kay Ferdinand Marcos at inutusan siyang hinay-hinay sa taumbayan. Sinunod naman ito ni FM, ayon sa taga-Apalit. Sa nakalipas na EDSA, minulto raw ni FM si PNoy. Natakot si PNoy at tinakot ang taumbayan. Duwag.

Kung minumulto ng 1081 si PNoy, dapat sinampal niya sina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos, ang administrador at tagapagpatupad ng martial law. Pero, hindi sila sinampal ni Corazon Aquino, bagkus binigyan pa sila ng matataas na puwesto. Oo nga naman, ang ina’t (Cory) anak (PNoy) ay ipinakulong si JPE. Pero, nakalaya rin naman. Ha-ha-ha. Anyari?

Bago mag-Pasko noong 2012, pinulong ni Pope Francis ang mga empleyado ng Vatican. Inihayag niya ang 10 resolusyon na kailangang sundin at palaganapin ng bawat isa. Isa mga mga resolusyon ay: “Be careful how you speak, purify your tongue of offensive words, vulgarity and worldly decadence.” Hindi pa minumura ni Digong Duterte ang Santo Padre, pinasaringan na siya. Sumaiyo ang Panginoon, Digong.

Araw-araw ay grabe na ang trapik sa Phase 1 ng Barangay Bagong Silang (ang pinakamalaking barangay sa buong bansa na itinayo ni Imelda Marcos), Caloocan. Ang dahilan: araw-araw nang dumadagsa ang mga politiko sa vote-rich Bagong Silang. Aba’y kahit na si Cory ay nagkandarapa rin sa Bagong Silang noong kampanya sa snap election.

MULA sa bayan (0916-5401958): Ang EDSA revolution ay para sa mayayaman lang at sa malalaking negosyante. Ang mahihirap ay ginamit lang at hindi nakinabang sa pag-aalsa. Ngayon, lalong naghirap ang mahihirap. Mabuti pa noong panahon ni Marcos, may nutribun ang mga bata. Ngayon, malnourish sila. …4873

Read more...