NAGING bisita ng Bantay OCW sa Radyo Inquirer ang isang security guard na nagbabantay sa tahanan ng pambansang bayani na si Jose Rizal sa Calamba, Laguna.
Tatlong taon nang security guard doon si Oscar Benz Ebio ng Quezon.
Sanay na si Ebio na makakita ng mga naka-istambay sa naturang lugar at kadalasan mga kababayan nating may problema sa pag-iisip ang laging naroroon.
Ngunit nitong nakaraang linggo, may napansin siyang isang lalaking aali-aligid at naisip niyang marahil nagpapalipas lamang siya ng gabi doon.
Ngunit nang lumapit kay Oscar ang lalaki at nagpakilala siyang si Jeroel Magdasal Turan,. Nagpakita pa ito ng ID kay Ebio, patunay na hindi ‘anya siya masamang tao at hindi rin nasisiraan ng bait.
Naging taong grasa lamang siya dahil dalawang araw na ‘anya siyang naglalakad galing pa ng Tagaytay hanggang makarating ng Calamba.
Tumakas siya mula sa pinagtatrabahuhang tubuhan sa Balayan, Batangas. Mga 10 anya silang na-recruit mula sa kanilang probinsiya sa Negros Oriental at pinangakuan ng P10,000 na suweldo bawat buwan.
Ngunit pagdating doon, P200 lamang kada linggo ang pinasasahod sa kanila. Dalawang buwan na silang naghihintay ng kanilang suweldo.
Tanging P100 lamang ang dala-dalang pera ni Jeroel kaya’t mula Batangas nag-bus ito patungo sa Tagaytay. May natira na lamang siyang P21 kung kaya’t nagdesisyon itong itabi na lamang iyon pambili niya ng pagkain.
Nang makarating sa Calamba, sa labis na pagod, huminto ito sa bahay ni Jose Rizal at doon siya humingi ng tulong kay Ebio.
Palibhasa’y gutom na gutom na si Jeroel, pinakain ni Ebio ang dala niyang baon pang-hapunan, at saka na lamang siya nagtubig para sa magdamag na duty.
Kinabukasan, nag post siya sa youtube ng panawagan na tulungan si Jeroel dahil wala rin naman siyang kakayahan na tulungan ito.
Matapos makita iyon, ilang OFWs sa Hongkong ang nagpadala ng pera; meron din galing California.
Maingat din si Ebio, palibhasa’y pera na ang nasasangkot kung kaya’t ipinost din niya ang halaga ng tulong na natanggap. Umabot iyon sa P6,500.00.
Hinang-hina na si Jeroel kung kaya’t hinimok niyang pasakayin na lang ito ng eroplano papunta ng Negros gamit ang perang tulong para sa kaniya.
May isa pang kabayan si Jeroel at siya na ang naghatid dito sa airport upang makabalik ng probinsiya.
Maraming salamat kay Oscar Ebio at sa lahat ng mga tumulong kay Jeroel.
May likas pa ring pag-ibig sa tao na handang tumulong sa kapwa. Ngunit kailangang managot ang nagrecruit at may-ari ng tubuhan sa Batangas.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali.
Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com. Ang Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424