ABS-CBN humakot ng tropeo sa 51st Anvil Awards

abs boss

UMANI ng anim na awards ang ABS-CBN sa ginanap na 51st Anvil Awards kamakaila. Kabilang dito ang isang Platinum Anvil Award para sa “Pope, Thank You sa Malasakit” (PopeTYSM) social media campaign, na matagumpay na nakuha ang suporta ng buong bayan sa paghahatid ng mensahe ng pasasalamat sa Santo Papa sa kanyang pagbisita rito.

Ang Anvil Awards, ay binibigay ng Public Relations Society of the Philippines, na kinokonsidera bilang Oscars ng industriya ng PR sa bansa, habang ang Platinum Anvil ang isa sa mga pinaka-mataas na karangalang binibigay ng taunang awards-giving body.

Bukod sa pagkapanalo ng Platinum Anvil Award, ang PopeTYSM campaign ay nanalo din ng Gold Anvil Award para sa pagsama-sama ng mga mensahe mula sa social media sa isang Book of Thanks na nagpapakita ng pagpapasalamat ng Pilipinas kay Pope Francis.

Ginawaran ng Silver Anvil Award ang cross platform coverage ng ABS-CBN sa nasabing pagbisita ng Santo Papa. Panalo din ang ABS-CBN para sa paglunsad ng TVplus, o mas kilala sa tawag na mahiwagang black box na nagpabago ng karanasan ng mga Pilipino sa panonood ng telebisyon sa hatid nitong malinaw na digital picture at mga eksklusibo at libreng TV channels para sa bawat miyembro ng pamilya.

Ang “Kapamilya Thank You: ABS-CBN Christmas Party 2014” ay nanalo rin para sa pagdaraos ng “isang di-malilimutang selebrasyon ng Pasko na nagbigay ng kasiyahan at di malilimutang alaala ng kumpanya at ng mga empleyado nito.”

Kinilala din ang Kapamilya network para sa “Revlon Love is On” campaign at para sa pagiging isang impluwensiya sa pag-localize ng mga global campaign ng Revlon lipstick sa social media. Sa pagtanggap ng anim na Anvil Awards, ang ABS-CBN ang most Anvil-awarded na TV network.

Noong nakaraang taon, pinarangalan din ang ABS-CBN ng pinaka-aasam na Grand Anvil Award para sa “Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na” advocacy campaign na nagdala ng relief at rehabilitation sa mga naging biktima ng lindol sa Bohol at ng mga bagyong Pablo at Yolanda noong 2013.

Napanalunan din ng ABS-CBN ang Bronze Anvil noong 2007 para sa librong ‘Kapitan’ na nagsalaysay ng buhay ni Eugenio Loez Jr., ang taong nagtatag sa ABS-CBN, at ikalawa naman noong 2011 para sa Guinness World Record-breaking fun run na “10.10.10. Run for Pasig River” ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc.

Ang Anvil Awards ay taunang inoorganisa ng Public Relations Society of the Philippines para sa mga natatanging programa na nagpakita ng husay sa larangan ng PR at business communications.

Read more...