TUNGHAYAN ang kwento ng pakikipagsapalaran ni Tommy Esguerra bago siya naging housemate at tanghaling 2nd Big Placer ng Pinoy Big Brother 737 na siya mismo ang gaganap ngayong Sabado sa Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Lumaki si Tommy sa Long Beach, California sa isang broken family matapos mag-divorce ang kanyang mga magulang. Ngunit sa kanyang paglaki, naging mas mahigpit ang kanyang ina sa takot na mapariwara at maligaw siya ng landas.
Hindi nagtagal ay unti-unti nang nasakal si Tommy sa kanyang ina, hanggang sa tuluyan na siyang maglayas para layuan ang problema niya sa pamilya. Mas tumindi pa ang hidwaan ng mag-ina nang tumutol ito sa kagustuhan ni Tommy na pumasok sa mundo ng modeling.
Sa kabila nito, tumungo siya sa Pilipinas at kinalauna’y pumasok sa “PBB” upang patunayan sa kanyang pamilya na kaya niyang abutin ang kanyang mga pangarap.
Kasama rin sa episode na ito ng MMK sina Aiko Melendez, Cris Villanueva, John Spainhour, Claire Ruiz, Markki Stroem, Josh Ford, Asley Colet, Rochelle Barrameda, Encar Benedicto at Tom Doromal, sa direksyon ni Ruel Naval, at sa panulat ni Benson Logronio.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos. Huwag palampasin ang longest-running drama anthology sa Asya, MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.