AWANG-AWA si Raymart Santiago sa dalawang anak nila ni Claudine Barretto kapag kailangang magtungo ang mga ito sa korte para sa mga kasong kinasasangkutan nila matapos silang maghiwalay.
Ayon sa Kapuso actor, masakit para sa kanya ang makita ang mga bata na sa murang edad ay na-expose na sa mga ganitong uri ng problema. Kaya nga nagpapasalamat siya na unti-unti ay naaayos na nila ni Claudine ang kanilang relasyon bilang mga magulang nina Sabina at Santino.
Nakausap ng entertainment media si Raymart sa presscon ng latest drama series ng GMA 7 na
Hanggang Makita Kang Muli starring Bea Binene and Derrick Monasterio at agree kami sa obserbasyon ng ilang reporter na mas maganda na ang aura ng aktor ngayon kesa noong kasagsagan ng away nila ni Claudine.
Nagdesisyon ang estranged couple na itigil na ang mga kasong isinampa nila noon laban sa isa’t isa alang-alang sa kanilang dalawang anak. Kasabay nito, pumayag na rin si Claudine na makita at makasama ni Raymart ang mga anak on a regular basis.
Sey pa nga ng aktres, puwede na rin daw matulog si Raymart sa bahay nila para makasama sina Sabina at Santino.
Reaksiyon ng Kapuso actor, “Yun ang sabi niya, pero parang hindi ko rin type! Although, kung matutulog man ako dun, yun yung wala siya, may taping siya o may trabaho siya.” Naiilang pa rin daw siya sa ganu’ng set-up.
Gaano niya kadalas nakakasama ang mga anak? “Kahit araw-araw naman, puwede. Pero siyempre, may pasok din. Nakakausap ko naman.”
Pero ang sentimyento ng aktoor, “Mahirap…mahirap kasi yung two years na hindi ko nakasama ang mga anak ko. May times na dinadala sila sa court, e, yun ang pinaka ayoko na nakikita silang nag-aalangan. Ayoko rin na maulit pa yun.”
Ano ang epekto nito sa mga bata, “Yung nakita ko lang, siyempre parang hindi na nila ako ganung nakikita, may distansiya. Yung time nga na matutulog kami sa hotel, kasama ko sila, ayaw, e. Ayaw ko rin madaliin.
“Pero happy rin ako na nag-effort din si Claudine, siya pa ang nagsabi na ganu’n. Mga bata yun, mahabang panahon din yung hindi kami nagkita, to think na very close ako sa mga anak ko,” paliwanag pa ni Raymart.
Kumusta naman ang relasyon nila ni Claudine ngayong unti-unti nang naaayos ang lahat? “Well, civil.
Kapag nag-uusap kami, puro tungkol sa mga bata lang. More than that, hindi na namin pinag-uusapan, ayoko na rin. Kung mapag-usapan niyo ang mga kaso, mag-iinit na naman.”
May pagsisisi ba on his part na nauwi rin sa hiwalayan ang pasasama nila ni Claudine? “Siyempre noong pinakasalan ko si Claudine, akala mo may forever. Well, lahat naman ng ikinasal, yun ang hinahangad, na magkasama kayo.
“Pero may mga pagkakataon talaga na ganoon ang nangyayari. Ngayon, ayusin na lang namin ang pagiging magulang namin. We failed as husband and wife, as parents, dapat ay buo kami,” aniya pa.
Samantala, mapapanood na simula sa March 7 after Wish I May ang Hanggang Makita Kang Muli kung saan makakasama rin sina Angelika dela Cruz, Rita Avila, Ina Feleo, Kim Rodriguez, Derrick Monasterio, Ramon Christopher, Marco Alcaraz at marami pang iba, sa direksyon ni Laurice Guillen.
Sey ni Raymart, ibang-iba ito sa lahat ng mga seryeng nagawa niya sa GMA 7 dahil sa tema nito tungkol sa isang batang ikinulong nang mahabang panahon kasama ang isang aso.