Misis inatado ng Taiwanese

makati
PINATAY ng isang Taiwanese ang kanyang asawang Pilipina bago pinaghiwa-hiwalay ang mga bahagi ng katawan nito at itinago sa iba’t-ibang parte ng kanilang bahay sa Makati.
Ayon sa ulat, nadiskubre ang naaagnas na katawan ng biktimang si Rowena Kuo, 47, sa stockroom sa ikatlong palapag ng kanilang bahay sa Brgy. Pio del Pilar, Makati alas-9 ng gabi kamakalawa.
Natagpuan naman ang mga braso ng ng ginang sa poso negro habang ang ulo niya, na nakabalot ng plastik, ay nakita sa loob ng kabinet.
Napag-alaman na napansin ng anak ni Kuo na nawawala ang ina Lunes ng umaga kaya tinanong niya ang amain na si Kuo Yuan Chang alyas Tony Kuo.
Sinabi ng amain na umalis nang walang paalam ang asawa at hindi rin niya umano alam kung kailan ito babalik.
Pero nagsuspetsa ang anak nang hanggang kinabukasan ay hindi umuwi ang ina.
Kinagabihan ng Martes ay hinalughog ng anak ang bahay habang abala ang amain.
Halos mawalan ng ulirat ang bata nang makita sa stockroom sa ikatlong palapag ng kanilang bahay ang walang ulo at mga brasong katawan ng ina.
Agad humingi ng tulong ang mga kamag-anak ng ginang sa pulisya, na dinakip ang suspek matapos mahanap ang mga nawawalang bahagi ng katawan ng biktima.
Inamin ng suspek na pinatay niya ang asawa saka chinop-chop ang bangkay.
Hindi naman niya sinabi kung ano ang nagtulak sa kanya na patayin ang asawa.
Nahaharap siya sa kasong parricide.

Read more...