“‘Yung mga nakapanood sa inyo sa debate, mukhang mali ho yata ung pagkakadebateng ‘yun… Mas mahaba pa ho ang commercial kay sa sa malaman kung ano ang dapat malaman sa kandidato,” sabi ni Binay matapos mangampanya sa Tanauan, Batangas.
Idinagdag ni Binay na susulat siya sa Commission on Elections (Comelec)personal na pangunahan ang mga debate.
“’Yung pag ganun sa telebisyon, dapat masuri, marinig kung ano ang paninindigan at ano ang pinaniniwalaan ng kandidato, at kung bakit siya ay dapat iboto. Eh pagkahaba-haba ng commercial,” dagdag ni Binay.
Pinangunahan ng GMA-7 ang debate sa Cagayan De Oro City.
“Kulang na kulang naman po sa oras na matugunan ang dapat magawa ng mga haharap na mga kandidato,” dagdag ni Binay.
Kinuwestiyon din ni Binay ang naging istilo ng GMA-7 kung saan tinanong ang kanyang mga ari-arian imbes na magpokus sa kanyang mga nagawa.
Sa isinagawang debate, sinabi ni Binay na minana niya ang ilang sa mga ari-arian ng kanyang pamilya.
“Umpisa pa lang, ang sabi ang pag-uusapan natin track record. Aba’y tinanong naman ho sa akin ang lupa kong namana at ang lupa kong nabili,” dagdag ni Binay.