Ken Chan nakipaghiwalay sa dyowa habang ginagawa ang Destiny Rose

KEN CHAN

KEN CHAN

NAKIPAGHIWALAY na ang Kapuso actor na si Ken Chan sa kanyang non-showbiz girlfriend habang nasa kasagsagan ang kauna-unahang transgender serye sa telebisyon, ang Destiny Rose.

Bumisita kami sa taping ng Destiny Rose kamakalawa sa may Quezon City at doon nga namin nakachikahan si Ken Chan na in character pa bilang si Destiny Rose with matching bagong wig at bonggang high heels. In fairness, kung hindi mo alam na si Ken ang kaharap mo, aakalain mong isa talaga siyang tunay na babae.

Tanong namin sa Kapuso actor, kumusta na sila ng girlfriend niya, hindi pa ba ito nagdududa sa sexual preference niya dahil nga sa pagganap bilang isang transgender woman sa afternoon series ng GMA.

“Nangangalahati pa lang ang Destiny Rose, naghiwalay na kami. Nu’ng nag-usap kami, sinabi ko na ‘yung tunay na nararamdaman ko! Ha-hahahaha! Hindi po, honestly po ang totoo gusto ko muna mag-focus du’n sa work. Saka siya rin po ang may gusto (na magkahiwalay). Kanya-kanya na muna kami,” ani Ken.

Isa raw sa dahilan kung bakit sila nag-break ay dahil sa, “Time. Time lang talaga. Walang mas malalim na dahilan.”

Samantala, inamin ni Ken na magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman niya sa nalalapit na pagtatapos ng Destiny Rose.

“Obviously malungkot kasi parang pamilya na ang turingan namin dito, eh. Almost half a year kaming magkakasama, pero at the same time mas umaangat pa rin yung saya dahil sobrang thankful ako na umabot kami ng two seasons and sobrang swerte and I feel so blessed kasi ang Destiny Rose umabot ng mahigit anim na buwan.”

Pagkatapos ng kanyang transgender series, anu-anong roles ang naiisip niyang gawin sa susunod niyang proyekto sa GMA? “Ang dami! Siguro after ng Destiny Rose probably hindi na muna ako maggaganito (gay role) uli siyempre. Siguro kung gaganap uli ako ng ganito sobrang tagal pa. Sinabi rin sa akin ng Artist Center ng GMA na they have plans naman na yung magiging role ko sa susunod malayo kay Destiny.”

Hindi ba siya natatakot na baka mahihirapan siyang bumitiw sa pagiging transgender? “Hindi naman po, kasi after naman ng taping, tlagang bumibitaw na ako.”

Pero yung tingin ng tao, yung pagkakakilala sa iyo hindi ka kaya mahirapan? “Siguro ayun ang kailangan kong i-workout ngayon. Yun ang kailangan kong pag-aralan. Ano ba yung mga dapat kong gawin para mahiwalay talaga sa akin si Destiny Rose. Para maging prepared ako sa susunod kong role.

“At si tito Michael de Mesa, di ba, gumaganap din siyang gay, ang payo niya sa akin, kasi di rin daw siya kaagad nakakabitaw, talagang it’s just a normal thing. Kinausap din niya si kuya Dennis Trillo about that after niyang gawin yung My Husband’s Lover. Sabi rin ni kuya Dennis talagang minsan nadadala pa sa bahay mo, sa lifestyle mo. Kaya ang payo nila sa akin is mag-reflect daw ako. Mag-vacation sa ibang bansa na mag-isa.”
Napapaisip na ba siya tungkol sa kanyang pagkalalaki? Kasi posibleng isipin ng mga manonood na bading na rin siya sa tunay na buhay? “Ay alam niyo po gusto ko talagang napapaisip sila yung, ‘Ay bading na ba siya or what?’ Gusto ko yun, kasi ibig sabihin effective. Parang mabisa yung ginawa kong preparation for Destiny Rose, kasi yun naman ang goal ko simula pa lang.”

E, ikaw wala pa bang duda sa sarili mo? “Sa tingin ninyo po? Ha-hahaha. Pero secured naman po ako.

Pero kung magiging ganu’n nga, gusto ko ang name ko malapit sa Ken, Kendra, ganu’n. Ha-hahaha!”

Bilang si Destiny Rose, paano niya ipagtatanggol ang LGBT community sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni Manny Pacquiao na binabatikos ngayon dahil sa pagtawag sa mga bading at tibo na masahol pa sa mga hayop.

“Ako naman nirerespeto ko yung sinasabi ni Pacquiao, kung ano yung pinaniniwalaan niya, pero yun nga, marami na ang nasaktan. Pero ang maganda, humingi na siya ng sorry. Pero ‘yun nga, ako kahit hindi naman ako talaga transgender, pero kahit paano bilang tao, nasaktan ka rin para sa LGBT group.

“Kasi ‘yun nga ang pinaglalaban ko ngayon eh, kung bakit nagkaroon ng Destiny Rose, para depensahan ang LGBT. And as Destiny Rose at bilang si Ken Chan, nalungkot ako in a way na may ganyan. Pero napawi rin naman kahit paano nu’ng nag-sorry siya.

“I think, ang LGBT group naman malambot ang mga puso ng mga yan, e. Kahit na marami silang pinagdaraanan sa buhay, at the end of the day sila yung magaling magpatawad, and I think ganu’n din ang mangyayari sa isyung ito. In time mapapatawad din ng LGBT group si Manny.”

Payag ba siyang maging ambassador ng LGBT group? “Of course. Gusto ko talaga kahit di ako LGBT.

Parang hindi naman porke straight ka wala ka ng karapatang ipagtanggol ang LGBT and I think, mas magiging masaya ako at mas sobrang magiging mabisa yun na may representative ang LGBT na straight.”

Anyway, abangan ang mga nakakaloka at nakakawindang pang mga eksena sa Destiny Rose sa GMA Afternoon Prime, lalo na ang mga pagsabog nila ng kanyang leading man na si Fabio Ide.

Read more...