KUNG ilang araw pa ay magiging mata pa rin ng bagyo ang Pambansang Kamao. Makakabasa pa rin siya ng mga salitang halos magsumpa na sa kanya sa social media, hindi pa siya tatantanan ng mga bashers kung ngayon lang, mahaba-haba pa ang kanyang magiging penetensiya.
Ganu’n talaga kasensetibo ang mga Pinoy, kapag tinatapakan na ang kanilang karapatan ay umaalma ang ating lahi, siguradong babakbakan natin ang mga taong sa palagay nati’y mapagmalinis.
Sa isang iglap, nakalulungkot man, ay parang biglang nabura ang alaala ng mga makabuluhang kontribusyong naiambag niya sa ngalan ng ating bayan.
Ang pagiging kampeong boksingero niya ay naisantabi, mas lumutang ang isyu ng masakit niyang pagkukumpara sa tao sa hayop, ang pagsusulat niya sa pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo ay biglaang nabura.
Sana, sa susunod, ay meron nang umalalay kay Congressman Manny Pacquiao sa pagsagut-sagot sa mga tanong sa kanya. Hindi ‘yun maiiwasan, lalo na ngayong kumakandidato siya sa pagka-senador, idagdag pa na nalalapit na ang muli nilang pagsasalpukan ni Timothy Bradley.
Magkaroon sana ng isang team si Manny kung saan ang tanging gagawin ng mga ito ay ang turuan ang Pambansang Kamao sa pagsagot sa mga tanong na wala siyang tahasang masasaktan at masasagasaan.
Hindi niya naman kailangang maging plastic, puwede pa rin niyang ilabas ang tunay niyang saloobin, pero sa isang proseso nang maiintindihan siya ng publiko at hindi uupakan pagkatapos.