CLEVELAND — Sa huling laro ni Kobe Bryant sa Cleveland kahapon ay nasapawan siya nina Kyrie Irving at LeBron James na hinatid ang Cavaliers sa 120-111 panalo.
Gayunman, nabahiran ang panalong ito ng Cleveland nang magtamo ng injury sa balikat si Kevin Love. Ito ang parehong balikat na kanyang na-injured at pinaopera noong isang taon.
Agad na tumungo sa locker room si Love sa second quarter at hindi na bumalik sa laro.
Si Irving ay umiskor ng season-high 35 puntos at si James ay may 29 puntos para sa Cavs.
Si Bryant, na magreretiro na sa pagtatapos ng season na ito, ay may 17 puntos para sa Lakers na natalo ng 13 beses sa huli nilang 15 laro.
Warriors 112, Suns 104
Sa Phoenix, muntik nang makapag-triple double si Stephen Curry bago siya ibinangko sa fourth quarter dahil sa tambakang iskor.
Si Curry ay gumawa ng 26 puntos, siyam na rebounds at siyam na assists para sa defending NBA champions.
Ito ang ika-11 sunod na panalo ng Warriors na kasalukuyang may 48-4 win-loss record.
Hinahabol ng Golden State ang NBA record ng 1995-96 Chicago Bulls na tinapos ang regular season na may 72-10 karta.
Si Klay Thompson ay nagdagdag ng 24 puntos para sa Golden State.
Ang Suns ay pinamunuan nina Archie Goodwin na may 20 puntos at Markieff Morris na may 19 puntos.
Ito ang ikasiyam na sunud-sunod na kabiguan para sa Phoenix.
Spurs 98, Magic 96
Sa Orlando, si Kawhi Leonard ay umiskor ng 29 puntos kabilang ang jumper may 0.9 segundo na lang ang nalalabi sa laro para pangunahan ang San Antonio sa ikaapat na diretsong panalo.
Si LaMarcus Aldridge ay nagdagdag ng 21 puntos at si Patty Mills ay may 17 puntos at pitong assists para sa Spurs.
Pinunan ni Mills ang puwesto sa starting unit ni Tony Parker na hindi naglaro kahapon dahil sa injury.
Si Evan Fournier, na tumira ng tres na tumabla sa iskor may 13.3 segundo na lang ang natitira, ay nagtapos na may 28 puntos para sa Orlando. Si Nikola Vucevic ay nagdagdag ng 20 puntos at 13 boards at si Victor Oladipo ay may 14 puntos para sa Magic.