BUKOD sa pagbabalik ng mga tinitingalang beterano ng liga ay pinakaaabangan din ang pag-usbong ng mga bagong mukha sa paunang torneo ngayong taon ng Philippine SuperLiga (PSL) na 2016 Invitational Cup na sasambulat sa Pebrero 18 sa The Arena sa San Juan City.
Magbabalik ang three-time champion Philippine Army sa pagbitbit nito sa prangkisa ng RC Cola habang nagpalakas naman ng komposisyon ang Foton, Cignal at Petron sa layuning maging kampeon sa torneong ito.
Hindi naman magpapahuli ang mga baguhang koponang F2 Logistics at New San Jose Builders, Inc. na handang bulagain ang liga sa taong ito.
Magbabalik para sa RC Cola Lady Troopers sina Tina Salak, Nerissa Bautista, Honey Royse Tubino, Michelle Carolino at Jovelyn Gonzaga dagdag pa ang kaakit-akit na si Rachel Anne Daquis.
Ang Toplanders na pansamantalang hindi makakasama ang middle blocker na si Jaja Santiago at setter Ivy Perez dahil naglalaro pa ang mga ito sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ay nagsagawa ng matinding recruitment matapos makuha ang mga dating University of Santo Tomas star na sina Angeli Tabaquero, Rhea Dimaculangan at Maika Ortiz.
Ipaparada naman ng Cignal ang dating Holy Cross of Davao College standout na si Mary Jane Berte at ang Southwestern University hotshot na si Marlyn Llagoso, kasama ang core ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) champions na mula College of Saint Benilde na sina Djanel Cheng, Jeanette Panaga at Janine Navarro.
Ang Petron, na kikilalanin ngayon bilang Tri-Activ Spikers, ay kinuha ang serbisyo ng beteranong sina Aiza Maizo-Pontillas at Bang Pineda pati na ang dating NCAA Most Valuable Player na si CJ Rosario.
“What we have is a very balanced and competitive field,” sabi ni PSL president Ramon “Tats” Suzara. “Like in the previous conferences, looking at the roster alone will give us a hard time determining who will take home the crown. It’s anybody’s ballgame. It all boils down to who wants it more.”
Bagaman baguhan ay nakapagbuo pa rin ng palabang koponan ang New San Jose Builders at F2 Logistics.
Ang Cargo Movers ay pamumunuan ng naggagandahan na sina Cha Cruz at Paneng Mercado kasama ang mga beterano na sina Pau Soriano, Lilet Mabbayad, Chie Saet at Danika Gendrauli habang ang Victorias ay bibitbitin nina University of Perpetual Help stars Coleen Bravo at Lourdes Clemente.
“This is going to be a very exciting tournament,” dagdag ni Suzara. “We’re looking forward to an action-packed conference with a lot of heart-stopping plays, defensive gems and strong finishes.”