Barangay Ginebra Kings, NLEX Road Warriors magkakasukatan

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Mahindra vs Globalport
7 p.m. Barangay Ginebra vs NLEX

IPAPARADA ng Barangay Ginebra Kings at NLEX Road Warriors ang kanilang mahuhusay na import sa paghaharap nila sa 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup elimination round ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang Gin Kings, na maglalaro sa ikalawang kumperensiya nila sa ilalim ng multi-titled at two-time Grand Slam coach na si Tim Cone, ay isasalang ang NBA veteran na si Othyus Jeffers, na minsan ay naglaro para sa Talk ‘N Text Tropang Texters ilang taon na ang nakakalipas.

Si Jeffers, na dating NBA D-League MVP, ay nagtala ng 38 puntos at 13 rebounds sa kanyang natatanging laro para sa Tropang Texters noong 2014 Governors’ Cup at aasahan ng Ginebra ang kanilang 6-foot-5 import na maging go-to-guy ng koponan.

Muling isasabak ng Road Warriors ang dating NBA player na si Al Thornton, na naglaro para sa koponan noong nakaraang Commissioner’s Cup.

Si Thornton, naging miyembro ng 2007-08 NBA All-Rookie Team at No. 14 pick ng Los Angeles Clippers sa 2007 NBA Draft, ay nag-average ng 30.85 puntos at 12.46 rebounds sa 13 laro para sa Road Warriors at nagbuhos din siya ng 50 puntos laban sa Gin Kings.

Hinatid din ni Thornton ang Road Warriors sa quarterfinals kung saan ipinakita niya ang kanyang matinding opensa.

Magiging magandang tunggalian din ito sa pagitan nina 7-foot Ginebra center Greg Slaughter at 6-foot-10 NLEX slotman Paul Asi Taulava.

Sa unang laro dakong alas-4:15 ng hapon, makakasukatan ng Globalport Batang Pier, na magmumula sa kanilang kauna-unahang paglalaro sa semifinals, ang Mahindra Enforcers.

Ipaparada ng Batang Pier, na binigo ng Alaska Aces sa nakalipas na Philippine Cup semifinals, 4-1, ang dating import ng San Miguel Beermen sa Asean Basketball League na si Brian Williams kontra sa Enforcers at 6-foot-10 import Augustus Gilchrist.

Read more...