MINSAN pang nagpakalat ng kaligayahan sina Jose Manalo at Wally Bayola sa pamamagitan ng kanilang talento at popularidad. Hindi na talaga mapipigilan ang kasikatan ng tambalan ng magkaibigang komedyante-TV host.
Nu’ng Miyerkules nang gabi ay pinahalakhak nila ang mga taga-Pandi, Bulacan sa handog-pasasalamat na inialay sa mga Pandienyos ng kanilang punong-bayan.
‘Yun ang naisip na paraan ni Mayor Enrico Roque para makapagbalik ng pasasalamat at pagtanaw ng utang na loob sa kanyang mga kababayan na mula nu’n hanggang ngayon ay hindi nagbabago ng suporta, tiwala at pagmamahal sa kanya.
Grabe ang show nina Jose at Wally, talagang puro halakhakan lang ang maririnig sa lugar na dinayo nang labinglimang libo katao, nagsimula sila at natapos sa pang-aaliw sa mga Pandienyos na halos kinakabagan na ang mga ito dahil sa pagkokomedya ng mga paborito nilang lola.
Hindi lang pangkalyeserye sina Jose at Wally, magaling silang humawak ng audience, tumagal nang halos dalawang oras ang kanilang show na hindi numipis ang manonood kundi nadagdagan pa nga.
“Ito lang po ang paraan para maipahatid namin sa inyo ang pasasalamat namin ni Wally dahil sa matinding suportang ibinibigay n’yo sa amin sa kalyeserye. Hindi po magtatagumpay ang palabas kundi dahil sa suportang ibinibigay n’yo. Harapan po kaming nagpapasalamat sa inyo ngayon,” sinsero pang pahayag ni Jose Manalo.
Matagumpay ang gabi ng pasasalamat na handog ni Mayor Enrico Roque at ng kanyang mga kasamahan sa mga Pandienyos, lahat ay umuwing humahalakhak pa rin, hindi na talaga maaawat ang galing sa pagkokomedya nina Jose at Wally.
Mahal na mahal ng ating mga kababayan ang dalawang lola nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Panalung-panalo!