Kampanya aarangkada na bukas

pres bets
MAGKAKAHIWALAY ang gaganaping proklamasyon ng mga tumatakbo para sa pangkapangulo at bise presidente sa eleksyon sa Mayo sa pagsisimula ng 90-araw na kampanya bukas.
Sisimulan ng pambato ng Liberal Party (LP) na sina dating Interior secretary Mar Roxas at ka-tandem na si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang kanilang kampanya sa Capiz Gymnasium, Roxas City, Capiz ganap na alas-11:30 ng umaga at susundan ito sa Freedom Grandstand, J M Basa st., Iloilo City ganap na alas-6 ng gabi.
Pangungunahan mismo ni Pangulong Aquino ang pangangampanya para kina Roxas at Robredo at ang mga tumatakbo senador sa ilalim ng LP.
Samantala, gaganapin naman ang proklamasyon ng magka-tandem na sina Sen. Grace Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero sa Plaza Miranda, Maynila ganap na alas-4 ng hapon.
Ilulunsad naman nina Vice President Jejomar Binay at Sen. Gregorio “Gringo” Honasan ang kanilang kampanya sa Welfareville, Mandaluyong City ganap na alas-8 ng umaga.
Sa Batac, Ilocos Norte naman gaganapin ang proklamasyon ng magka-tandem na sina Sen. Miriam Defensor-Santiago at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Samantala, sa Tondo, Maynila naman gaganapin ang proklamasyon nina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano.
Tatagal ang kampanya hanggang Mayo 8, ang bisperas ng eleksyon.

Read more...