Dating mayor sa Leyte kakasuhan sa fertilizer fund scam

office-of-the-ombudsman
Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isasampa ng Office of the Ombudsman laban sa dating mayor ng Barugo sa Leyte kaugnay ng fertilizer fund scam.
Kasama ni dating Mayor Juliana Villasin sa kaso sina Aluino Ala, municipal accountant, at Reynaldo Bodo, municipal agriculturist.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman pinayagan umano ni Villasin ang pagbili sa 3,900 litro ng Fil-Ocean liquid fertilizer sa Bals Enterprises sa pamamagitan ng direct contracting noong 2004. Nagkakahalaga ito ng P1.87 milyon.
Napuna ng Commission on Audit ang hindi nito pagdaan sa public bidding at ang kawalan ng pagtukoy kung kuwalipikado ang bibilhang kompanya.
“There was a prior agreement between respondents and Bals Enterprises even before the invitation to bid was published,” ayon sa ulat ng COA.
Sa loob umano ng 48 oras na na-deliver ang mga fertilizer kahit na ang tanggapan ng kompanya ay nasa Quezon City.
Ang mga biniling fertilizer ay para rin umano sa gulay kaya hindi napakinabangan ng mga benepisyaryo na nagtatanim ng palay.
Ayon sa Ombudsman binigyan ng mga akusado ng ‘unwarranted benefit’ ang Bals Enterprise na nagresulta sa pagkalugi ng gobyerno.

Read more...