3 patay, 19 sugatan sa 2 karambola

batangas
Tatlo katao ang nasawi habang di bababa sa 19 ang sugatan sa dalawang insidente ng karambola ng mga sasakyan sa Batangas kahapon at ngayong araw, ayon sa pulisya.

Nasawi sa unang insidente sina Dexter Santiago at Michael Suarez, driver ng multicab at tricycle na kabilang sa limang sasakyang nagsalpukan, ayon sa ulat ng Batangas provincial police.

Sugatan naman ang pahinante ni Santiago na si Geronimo Camo, pati sina Christian Araya, Jesus De Villa, at Jovito Dimaano, driver at mga pahinante ng Isuzu Elf truck na sangkot din sa karambola, ayon sa ulat.

Naganap ang insidente dakong alas-5:20 ng hapon sa bahagi ng National Road na sakop ng Brgy. Latag, Taal.

Minamaneho ni Oligario Panganiban ang isang Fuso cargo truck (PNW-184) mula Taal patungong Lemery, nang bigla umanong mawalan ng preno kaya masalpok ang likod ang Suzuki Carry multicab (AGA-6432) na dala ni Santiago, ayon sa ulat.

Sa lakas ng impact, sumalpok ang multicab sa likod ng Elf truck (WHU-441) na dala ni Christian Araya.

Kasunod noo’y sumalpok ang Elf sa likod ng tricycle (BA-97738) ni Suarez, na naitulak naman sa likod ng Isuzu cargo truck (PNW-184) na dala ng isang Alfredo Fabrigas, ayon sa pulisya.

Dakong alas-6 ng umaga kahapon, isang lalaki ang nasawi habang 14 pa katao ang nasugatan nang mag-karambola din ang isang trailer truck, pampasaherong jeep, at pampasaherong bus sa bayan naman ng Nasugbu.

Sinalpok ng trailer truck (NUZ-325) na dala ni Emmanuel Siscon ang pampasaherong jeep na minaneho ni Benjamin Cruzada at isang San Agustin bus (TYR-891) na dala ni Clodualdo Sintos.

Namatay sa insidente ang pahinante ng trak, habang si Siscon ay naipit pero nahugot nang buhay, ayon sa pulisya.

Bukod kay Siscon, sugatan din ang 14 pasahero ng bus at jeep na pawang mga dinala sa isang pagamutan sa Tagaytay City, ayon sa pulisya.

Read more...