Love, Irving binuhat ang Cleveland Cavaliers kontra Detroit Pistons

AUBURN HILLS, Michigan — Kinamada ni Kevin Love ang 19 sa kanyang 29 puntos sa first half habang si Kyrie Irving ay nag-ambag ng 28 puntos para pamunuan ang Cleveland Cavaliers sa 114-106 pagwawagi sa Detroit Pistons sa kanilang NBA game kahapon.

Si LeBron James ay nagdagdag ng 20 puntos, siyam na rebounds at walong assists at nilagpasan niya ang 26,000-point mark sa ikatlong yugto upang maging pinakabatang manlalaro na nakagawa nito sa edad na 31 anyos at 30 araw.

Si Andre Drummond ay nagtala ng 20 puntos at walong rebounds para sa Detroit.

Hawak ang best record sa Eastern Conference na 33-12, ang Cleveland ay hinahawakan na ngayon ni Tyronn Lue na pinalitan bilang head coach si David Blatt nitong nakalipas na linggo.

Ang Cavaliers ay nagwagi ng tatlong sunod matapos na matalo sa Chicago Bulls na unang laro ni Lue bilang Cleveland coach.

Heat 107, Bucks 103
Sa Milwaukee, umiskor si Dwyane Wade ng 24 puntos at bumira ng long jumper may 44.5 segundo ang nalalabi para tulungan ang Miami Heat na mapanalunan ang ikatlong sunod na road game matapos talunin ang Milwaukee Bucks.

Pinangunahan ni Wade ang balanseng scoring ng Miami na ang lahat ng starters ay umiskor ng double figures. Si Chris Bosh ay nagdagdag ng 20 puntos.

Pinamunuan ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa ginawang 28 puntos.

Thunder 116, Rockets 108
Sa Oklahoma City, itinala ni Russell Westbrook ang kanyang ikaanim na triple-double ngayong season para tulungan ang Oklahoma City Thunder na daigin ang Houston Rockets.

Si Westbrook ay nagtapos na may 26 puntos, 14 assists at 10 rebounds. Ito ang kanyang ika-25 triple-double sa kanyang career.

Si Kevin Durant ay gumawa ng 33 puntos at 12 rebounds habang si Enes Kanter ay kinamada ang 20 sa kanyang 22 puntos sa second half para sa Thunder, na nagwagi sa 10 sa kabuuang 11 laro at ikaanim na sunod sa kanilang homecourt.

Si James Harden ay kumana ng 33 puntos, pitong rebounds at pitong assists para sa Rockets.

Clippers 105, Lakers 93
Sa Los Angeles, umiskor si Chris Paul ng 27 puntos para sa Los Angeles Clippers na tinambakan ang Los Angeles Lakers at itinala ang franchise-record na siyam na diretsong pagwawagi laban sa kanilang katunggali sa parehong lungsod.

Read more...