2016 National Milo Marathon Finals gaganapin sa Iloilo

SA kauna-unahang pagkakataon ay sa Visayas gaganapin ang  finals ng  National Milo Marathon.
Ito ay itatakbo sa  Iloilo City sa Disyembre 4.

Inihayag ito ni Milo Sports Executive Andrew Neri matapos na isapubliko ang buong kalendaryo ng Milo Marathon, Milo Little Olympics at Milo Summer Sports Clinics.

“Yes, we will stage it for the first time in a province particularly in Iloilo,” sabi ni Neri, na kung saan katatapos lamang nitong isagawa noong  Disyembre ang Finals ng ika-39 National Milo Marathon  sa  Angeles City.

Kumpara sa 2015 kung saan nagsagawa ito ng kabuuang 18 legs sa NCR, Luzon, Visayas at Mindanao ay mayroon lamang na kabuuang 14 legs para sa taong ito  na binubuo ng 13 elimination leg at ang   National Finals sa Iloilo.

Unang sisikad ang 40th National Milo Marathon sa Dagupan sa Hulyo 17 at susundan ito sa  Tarlac (Hulyo 24), Metro Manila (Hulyo 31), Batangas (Agosto 7), Lucena (Agosto 14), Naga (Agosto 28), Tagbilaran (Setyembre 18), Cebu (Setyembre 25), Dumaguete  (Oktubre 2), Davao (Oktubre 9), General Santos (Oktubre 16), Cagayan de Oro (Oktubre 23), Butuan (Oktubre 30) at ang National Finals (Disyembre 4).

Ang 2016 Milo Summer Sports Clinics na nakatuon sa pagbibigay ng malusog na pagbabakasyon sa mga school children sa pagsali at pag-aaral ng iba’t-ibang mga laro ay magsisimula sa Abril 4 at magtatapos sa Mayo 31.

Ang sports clinic program sa bansa na dinarayo kada bakasyon ay may tatlong bagong sports na triathlon, golf, at fencing na idinagdag sa listahan. Ang taunang programa ay kasalukuyang isinasagawa sa ilalim ng pagtuturo ng mga ekspertong coach mula sa 17 sports.

Ang mga sports na itinuturo ay badminton, basketball, bowling, fencing, golf, gymnastics, volleyball, karatedo, ice skating, tennis, taekwondo, table tennis, touch rugby, triathlon, chess, football at swimming.

Ang regional legs  ng 2016 Milo Little Olympics ay isasagawa sa Cagayan de Oro City sa Agosto 19-21, Laguna sa Agosto 26-28, Baguio City sa Setyembre 2-4 at  sa Iloilo sa Setyembre 9-11.

Read more...