ABS-CBN pinaboboykot ng Iglesia ni Cristo?

KALAT na kalat na sa Facebook ang umano’y pamboboykot ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa ilang local news organizations.
Sa kanyang Facebook post noong Enero 26, sinabi ng isang Israel Nono Ponce na inutusan sila ng “Templo Central” na huwag panoorin ang kahit anong programa ng ABS-CBN dahil sa paninira umano ng mga news reports nito sa imahe ng INC.
“Ang totoo nanunood pa ‘ko sa isang programa nila ‘Ang Probinsyano’ kay Coco Martin, updated ako duon lagi ko pinanonood. Ang isang tunay na Iglesia nI Cristo marunong tumanggi sa sarili, mas pinag papauna ang utos o panawagan ng Pamamahala, dahil alam nya na sa ikabubuti ito,” ani Ponce.
“Lumabas na po ang tagubilin mula sa Templo Central na huwag ng manunood ng KAHIT ANONG PROGRAMA ng ABS-CBN News, sapagkat ang station na ito ang isa sa sumisira sa Pangalan ng Iglesia, pinararatangan ng mga pamunuan ng ABS-CBN ng masama ang kabuoan at kaisahan ng Iglesia,” dagdag niya.
Kasama sa post ni Ponce ang logo ng ABS-CBN na may caption na, “Do not spread false reports. Do not help a guilty person by being a malicious witness.”
Sa artikulo ng isang Lennie Lazaro sa www.philippinepride.com, isiniwalat niya na kinumpirma ng kanyang kapatid na taga-San Pablo City ang boykot.
“She said members who will be caught watching ABS-CBN will suffer a disciplinary action,” dagdag ni Lazaro.
Pero itinanggi ni INC spokesperson Edwil Zabala na may ganoon silang direktiba sa kanilang mga miyembro.
“Walang circular na binasa sa pagsamba ukol sa issue na ‘yan,” giit ni Zabala.
Pero idinagdag niya na naiintindihan niya kung may ganoong sentimyento ang ilang miyembro ng sekta. —Inquirer

Read more...