SINUSPINDE ng Sandiganbayan si Optical Media Board (OMB) chair Ronnie Ricketts sa harap ng kasong graft na kinakaharap nito na nag-ugat sa pagpu-pull out ng mga ebidensiya laban sa mga namimirata noong 2010.
Sa isang resolusyon ng anti-graft court Fourth Division, inaprubahan nito ang mosyon ng Special Prosecutor na suspindihin ang dating aktor at tatlo pang kapwa akusado habang dinidinig ang kanilang kasong graft.
“The Court has no discretion neither can it ascertain or calculate whether the accused is capable of committing the acts sought to be prevented by the suspension,” sabi ng anti-graft court.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang Office of the President na ipatupad ang 90-araw na preventive suspension laban kay Ricketts.
Ang OMB ay nasa ilalim ng Office of the President.
“In the meantime, accused Ronaldo Naldo Ricketts, Manuel J. Mangubat, Joseph Dineros Arnaldo and Glenn Sarming Perez are directed to cease and desist from exercising the functions and privileges of their office for nine days immediately upon receipt of this resolution,” sabi ng korte na isinulat ni Associate Justice Jose Hernandez.
Si Mangubat ay ang kasalukuyang head ng OMB Enforcement and Inspection Division, samantalang si Arnaldo ay isang computer operator II.
Kinasuhan sina Rickets at ang tatlo matapos umanong ipag-utos na ipull-out ang 121 kahon ng DVDs mula sa opisina ng OMB na gagamitin sanang ebidensiya noong 2010.