Kung payag sa house arrest ni GMA, Grace Poe di makikialam sa kaso ng ex-president
Leifbilly Begas - Bandera January 29, 2016 - 01:52 PM
PINANINIWALAAN man na dinaya ang kanyang ama na si Fernando Poe Jr., noong 2004 presidential elections, hindi umano pakikialaman ni Sen. Grace Poe ang kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay nananatiling nakakulong sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa kasong pandarambong.
Sa Meet the Inquirer forum nitong Huwebes, sinabi ni Poe na ipinauubaya niya na sa korte kung anong sasapitin ng dating pangulo, kabilang na kung dapat ba itong payagan isailalim sa house arrest.
“Kung aalisin ko ang sitwasyon sa isip ko na naging katunggali ni FPJ si GMA bilang isang tao syempre kahit na sino pa ang nasa kulungan na may tunay na kahinaan o sakit karamdaman kailangan natin bigyan ng konsiderasyon pero yan ay dapat nasa desisyon na rin ng mga doktor at sa korte,” ani Poe.
Si FPJ ay tinalo ni Arroyo sa kontrobersyal na 2004 elections kung saan lumabas ang mga alegasyon ng danaan gaya ng Hello Garci scandal. Namatay si Poe ng hindi natatapos ang pagdinig sa inihain niyang election protest.
“Kung ako ang magiging pangulo hindi ko pakikialaman yan kung ano ang magiging desisyon nan ay susuportahan ko,” ani Poe. “Ang importante sa isang pangulo ay panatilihin ang pagiging patas ng korte. At panatilihin na ang imbestigasyon ay maging malinis at maayos.”
Palagi umanong inaalala ng senadora ang mga payo sa kanya ng ama.
“Ang palagi ko lang inaalala ay yung mga tinuro niya sa akin na maging makatotohanan lang at huwag kakalimutan ang mga nangangailangan at naaapi, sabi nga nila kung sino ang mas nangangailangan yun ang dapat mas bigyan ng proteksyon sa batas,” dagdag pa nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending