Trak sumirko sa Benguet: Guro patay, 32 sugatan
ISANG guro ang nasawi habang 32 pa katao, karamihan ay pawang mga estudyante, ang nasugatan nang maaksidente ang sinakyan nilang trak sa Kibungan, Benguet, Huwebes ng umaga. Nasawi ang gurong si Julieta Danio, 55, sabi ni Supt. Cherry Fajardo, tagapagsalita ng Cordillera regional police. Naganap ang insidente dakong alas-9:50, habang minamaneho ni Jetson Cayad-an ang Elf truck (UJV-464) sa Sitio Bangbangany, Brgy. Palina. Ihahatid noon ni Cayad-an at ng kanyang helper ang tatlong guro at 27 na Grade 4 hanggang Grade 6 pupil ng Kibungan Elementary School sa Scout Jamboree sa bayan ng Bakun, sabi ni Senior Insp. James Acod, hepe ng Kibungan Police. “Dalawang beses bumaligtad ‘yung truck, sa unang pagbaligtad, naipit ‘yung teacher (Danio) na nasa likod,” sabi ni Acod sa BANDERA. Unang isinugod sa Rural Health Unit (RHU) ng Kibungan ang 32 pang sakay ng trak, pero ilan sa mga ito’y kinailangang dalhin sa Benguet General Hospital para sa karagdagang lunas. Dinala sa Benguet General Hospital ang school principal na si Daniel Pascaden, isa pang guro, at 10 pupil para ma-x ray at mabigyan ng atensyong medikal, ani Acod. Bahagyang pinsala naman ang tinamo ng 17 pang pupil at isang teacher kaya naiwan sa RHU, aniya. Nagtamo din ng mga gasgas si Cayad-an at ang kanyang helper. Matapos lapatan ng lunas ay dinala si Cayad-an sa Kibungan Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, ani Acod. Lumabas sa paunang imbestigasyon na nagloko ang preno ng trak habang minamaneho ni Cayad-an sa isang kurbada, kaya ito naaksidente, anang police official.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.