MILF ang nag-kidnap kay Father Sinnott

BAKIT kinakailangan pang humingi ang gobyerno ng tulong sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang ma-rescue o mapalaya si Father Michael Sinnott.
Si Sinnott, isang Columban priest, ay inisnats ng mga armadong lalaki sa kanyang kumbento sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ipinapakita lang ng ating militar ang pagiging inutil nito.
Alam ng mga taga Zambonga na ang mga dumukot ay mga Moro na miyembro ng MILF, pero nagpapatay-malisya ang Armed Forces of the Philippines (AFP). Sinasabi ng AFP na mga pirata ang nag-kidnap kay Sinnott. Ito ay para tumulong ang MILF sa pagpalaya sa paring Amerikano.
Ang MILF ang may kagagawan ng pagkidnap kay Sinnott at wala nang iba. Ang MILF lang ang may kakayahan na magsagawa ng kidnapping sa mismong siyudad ng Pagadian.
Nagbubulag-bulagan lang ang AFP dahil ayaw nitong magalit ang MILF at umalis sa peace negotiating table.
Takot na takot ang gobyerno na mag-walk out ang MILF sa peace negotiations. Kaya’t hinahayaan ang MILF na gumawa ng katarantaduhan at ibintang ito sa iba.
*                   *                               *
Sumakay naman sa pagkukunwari ang MILF at sinabing tutulong sila sa pagtugis sa mga kidnappers.
Isang MILF commander ang nagkunwaring nagalit sa mga kidnappers daw at sinabing papatayin niya at ng kanyang mga tauhan ang mga kumidnap kay Sinnott.
Sus, Kumander Abdul Tapang, tumigil ka na sa pagbabalatkayo!
Ginagawa mo at ng AFP na gago ang buong bansa.
Kayo na lang ang magbolahan ng militar na magtutulugan kayong sagipin ang pari, at huwag na ninyong sabihin sa publiko.
Sa totoo lang, walang tiwala ang publikong Kristiyano sa sinasabi ng isang Moro.
Hindi ko sinasabi na lahat ng Moro ay sinungaling. Ang sinasabi ko lang ay walang kredibilidad ang mga Moro sa Christian Mindanao.
*                  *                                *
Para mapaniwala ni Pangulong Gloria ang mga P12 billion relief fund na ipinasa ng Kongreso, itinatag niya ang isang commission na pangungunahan ng bilyonaryong negosyante na si Manny Pangilinan at Arbishop Ricardo Cardinal Rosales.
Ang pagtustos ng calamity fund ay gagawin na malinis at maayos.
Sus, Gloria, palagi nang naririnig ng taumbayan ang ganyang pangako.
Noong tumakbo ka sa 2004, ginamit mo ang P728-million fertilizer fund sa iyong kampanya at hindi napunta sa mga magsasaka.
Paano malalaman ng taumbayan na bago mo ibigay sa government-private sector commission ang pera di mo ito babawasan?
Sa kakapalan ng iyong pagmumukha, hindi ka mangingimi na gastahin ang ilang parte ng pondo sa iyong pagkampanya bilang congresswoman ng Pampanga.
*               *                               *
Napaulat na ang mga New People’s Army (NPA) ay kasama sa pagtulong sa mga nasalanta nina “Ondoy” at “Pepeng.”
Tama lang!
Karamihan sa mga nasalanta ng dalawang bagyo ay mahihirap na ipinaglalaban ng NPA.
Marami sa mga nasalanta ay kamag-anakan ng mga rebeldeng NPA.
Dapat ay kalimutan muna ng mga sundalo at NPA ang kanilang away at magsama-sama sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA, 102009

Read more...