HINIRAM muna natin ang salitang “rules of engagement” (bagaman ang tamang termino ay tactical engagement, baka hindi agad ma-gets ng ating mambabasa), bilang malakas at malinaw na pambungad na salita hinggil sa ating blog ngayon.
Walang saysay ang paliwanag ni dating PNP chief Edgardo Aglipay na isinaalang-alang ng kanyang mga guwardiya (siya ang may-ari ng security agency na nagbabantay sa Greenbelt 5) ang kaligtasan ng mga shoppers.
Nanindigan ni National Capital Region Police Office chief Director Roberto Rosales na kung tumulong lang ang ilang guwardiya nang “bugahan” ng dalawang pulis ang mga magnanakaw (at nakapatay ng isa), baka naiba ang ihip ng hangin.
“If only five or 10 of them came to our men’s rescue, then we could have probably neutralized those who entered the store,” ani Rosales.
Bagaman alam ng mga pulis na “sisiw” ang kanilang mga .45 at 9mm sa M16, M14 at M203 ng mga magnanakaw, alam din nila na mahirap “ibuga” ang ganitong kalalakas na riple sa masikip na lugar at maraming sementong pader dahil baka bumalik lang sa magnanakaw ang kanilang ibinugang mga bala.
Kaya naman kahit gipit (sa segundo, puwesto, pagtataguan at tatakbuhan), ay ipinutok pa rin ng mga pulis ang kanilang pistola.
Ang technical term sa pagpapaputok ng dalawang magiting na pulis, na mga bodyguard ni Taguig Mayor Freddie Tinga, ay “double tap” at “triple tap.” Pagkatapos pumutok at tago at takbo dahil malalakas ang armas ng kalaban.
Alam ng dalawang pulis na di alam ng mga magnanakaw na may dalawang kalaban sa harap nila. Kaya ang pagggamit ng multiple tap ang paraan, bago umatras.
Ang tanong: Sinasanay ba ni Aglipay ang kanyang mga guwardiya sa multiple tap techniques sa firing range sa loob lamang ng lima hanggang 10 segundo?
Kung sinasanay man ang mga guwardiya, ay minsan lang ito sa “asul na buwan,” .38 revolver pa ang gamit at di pistola, at tipid pa sa bala (dahil mahal nga ang bala).
LITO BAUTISTA, Executive Editor Bandera
BANDERA, 102009