HOUSTON — Umiskor si Kyrie Irving ng 23 puntos habang si LeBron James ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Cleveland Cavaliers na winakasan ang kanilang pinakamahabang road trip ngayong season sa pagtala ng 91-77 panalo sa Houston Rockets kahapon.
Isinara ng Cavaliers ang kanilang anim na laro na malayo sa kanilang homecourt at ikalawang sunod na laro matapos payukuin ang Rockets kung saan ang Cleveland ay nagtayo ng double-digit lead sa halftime at pinalawig pa ito sa 20 puntos sa ikatlong yugto.
Nakabangon din agad ang Cleveland matapos matalo sa San Antonio noong Biyernes na pumutol sa kanilang eight-game winning streak bago ang sagupaan nila ng Golden State ngayong darating na Martes.
Gumawa si Dwight Howard ng 14 puntos at 11 rebounds para sa Rockets. Si James Harden ay umiskor ng 11 puntos mula sa 2-for-10 shooting at sumablay sa lahat ng kanyang limang 3-point attempts.
Thunder 113, Timberwolves 93
Sa Oklahoma City, itinala ni Russell Westbrook ang kanyang ika-23 career triple-double para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa pagwawagi laban sa Minnesota Timberwolves.
Si Westbrook ay nagtapos na may 12 puntos, 11 rebounds at 10 assists para sa kanyang ikaapat na triple-double ngayong season.
Si Kevin Durant ay nagdagdag ng 21 puntos, si Dion Waiters ay nag-ambag ng 20 puntos at si Cameron Payne ay may 14 puntos para sa Thunder.
Si Andrew Wiggins ay gumawa ng 25 puntos para sa Timberwolves, na natalo ng siyam na diretsong laro.
Heat 98, Nuggets 95
Sa Denver, nagtala si Hassan Whiteside ng triple-double sa kinamadang 19 puntos, 17 rebounds at 11 blocks para sa Miami Heat na naungusan ang Denver Nuggets.
Si Chris Bosh ay nagbuslo ng tiebreaking jumper may 55 segundo ang nalalabi at nagtapos na may 24 puntos. Si Tyler Johnson ay umiskor ng 15 puntos para sa Miami, na pinaglaro sina Dwyane Wade at Goran Dragic bunga ng injury.
Pinangunahan ni Darrell Arthur ang Denver sa ginawang 18 puntos.
Mavericks 83, Bulls 77
Sa Chicago, umiskor si Dirk Nowitzki ng 21 puntos para pangunahan ang Dallas Mavericks sa panalo kontra Chicago Bulls.
Si Deron Williams ay nagdagdag ng 18 puntos para sa Mavericks.
Si Derrick Rose ay gumawa ng 18 puntos para pamunuan ang Chicago habang si Pau Gasol ay may 17 puntos.