NAKAAALARMA ang nangyayaring sunud-sunod na insidenteng may kinalaman sa droga – raid man o operasyon ng pulisya o mga krimen na dulot ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Kahit ano pang insidente yan, basta may kinalaman sa droga, nakababahala ito.
Pag pasok pa lang ng taon, ilang balitang nakalap ng Bandera ay may kinalaman sa droga.
Sa nakalipas na dalawang araw, headline ng Bandera ( Luzon/Visayas edition) ang may kinalaman sa droga. Ngayon araw, dalawang Chinese national ang inaresto at nakunan ng P150 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa Quezon City.
Iba pa ito sa dalawang Filipino-Chinese national na naaresto naman sa Valenzuela Martes, at nakunan ng P180 milyon halaga ng pinaninniwalaang shabu. Bukod dito, limang magkakapamilya ng pusher ang inaresto naman sa Camotes Island sa Visayas matapos silang makunan ng P2 milyong halaga ng shabu.
Sa Ilocos Norte naman, isang kandidato sa pagka-konsehal ang inaresto dahil nakunan ng bala ng baril at droga.
May insidente rin sa Iloilo kamakailan na dalawang pusher ang inaresto dahil sa shabu. Sa Metro Manila, halos araw-araw may balita tungkol sa droga.
Kamakailan lang din, umamin ang director ng Negros Occidental provincial police chief na si Senior Supt. Samuel Nacion na tumaas nang mahigit sa 100 porsyento ang nakumpiskang shabu at bilang ng mga naarestong drug suspect sa lalawigan noong 2015.
Umabot sa P13.45 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska noong nakaraang taon, mas mataas ng 161.48 porysentong mataas o P5.144 milyon sa nakumpiska noong 2014.
Ang masakit pa nito, kahit sa loob ng National Bilibid Prisons, at marahil sa iba pang mga kulungan, ay malaganap pa rin ang droga.
Kaliwa’t kanan ang mga raid, buy bust operation. Maraming bilang ng mga naaresto at nakumpiskang mga droga, at nagyayabang ang pulisya dahil produkto raw ito nang pinaigting na kampanya kontra droga.
Paulit-ulit na lang ang ganitong mga kaso. Paulit-ulit na rin lang ang kampanya kontra droga – may mahuhuli, may makukumpiska – pero ang tanong ay kung bakit malaganap pa rin ang operasyon ng droga sa iba’t ibang lugar sa bansa, at imbes na mahinto ay kung bakit patuloy pa rin ang mga ito?
Dapat bang ikatuwa na maraming naaarestong suspek at pagkakakumpiska ng malalaking halaga ng droga? Hindi ba’t mas makakabuti kung walang ganitong mga balita dahil nangangahulugan na nagtatrabaho talaga ang gobyerno?
Dapat bang reactive na lang ang aksyon ng gobyerno sa problema sa droga? Kung merong problema ay saka lang aaksyon at hindi kayang pigilan ito mula pa lang sa pagpasok sa bansa, pagbebenta, at paggamit?
Sa dami ng kasong ito, masasabing hirap pa talaga ang gobyerno sa pagpapatupad ng batas laban sa droga. At isa nang dahilan diyan ay ang korapsyon. Sasaan ka pa ba? Ilang pulis at government official na ba ang nasangkot sa droga? Makailang beses na bang ni-raid ang Munti at bakit panay pa rin ang pagkakakumpiska rito ng droga?
Bakit ba nakakapasok ang milyun-milyong pisong halaga ng droga na hindi nasasabat ng mga tauhan ng gobyerno? Dahil marami nga sa kanila na bukod sa natutulog sa pansitan ay nababayaran pa.
Dahil dito, kung minsan ay hindi natin masisi na pinalulutang ang ideya na ibalik na lamang muli ang parusang bitay para sansalain ang hindi mamatay-matay na problemang ito sa droga.