CHICAGO — Gumawa si Pau Gasol ng 17 puntos at 18 rebounds habang si Derrick Rose ay umiskor ng 18 puntos para pamunuan ang Chicago Bulls na talunin ang Boston Celtics, 101-92, at masuwag ang ikaanim na diretsong panalo sa kanilang NBA game kahapon.
Si Jimmy Butler ay nagdagdag ng 19 puntos at 10 assists para sa Chicago.
Gumamit ang Bulls ng matinding ratsada sa ikatlong yugto para palawigin ang kanilang longest win streak ngayong season at ipalasap sa Celtics ang ikaapat na pagkatalo sa limang laro.
Wala sa laro si Boston coach Brad Stevens dahil bumisita siya sa isang dating manlalaro niya na may sakit na kanser.
Si assistant coach Jay Larranaga ang pumalit kay Stevens sa Boston na nakakuha ng 17 puntos mula kay Jae Crowder. Si Kelly Olynyk ay nag-ambag ng 16 puntos at siyam na rebounds para sa Celtics.
Kings 118, Lakers 115
Sa Sacramento, California, DeMarcus Cousins ay 29 puntos, 10 rebounds at pitong assists para sa Sacramento Kings na sinayang ang 27-puntos na kalamangan sa second half bago tuluyang napigilan ang Los Angeles Lakers.
Bagamat nagtala ang Kings ng 25-4 kalamangan sa unang limang minuto ng laro kinailangan nila ng huling ratsada at go-ahead basket mula kay Rajon Rondo para mabalewala ang ginawang 28 puntos ng 37-anyos na si Kobe Bryant.
Nagbuslo si Bryant ng 10 of 18 shots at 6 for 8 sa free throws subalit nasa bench siya nang maghabol at maagaw ang Lakers ang kalamangan sa huling bahagi ng laro.
Kinamada ni rookie guard D’Angelo Russell ang 11 sa kanyang 27 puntos sa ikaapat na yugto bago magkaroon ng ankle injury para sa Lakers, na nalasap ang ikalimang sunod na pagkatalo sa Kings.
Hawks 126, 76ers 98
Sa Philadelphia, umiskor si Kent Bazemore ng 22 puntos habang sina Paul Millsap at Al Horford ay may tig-18 puntos para sa Atlanta Hawks na tinambakan ang Philadelphia 76ers at pinutol ang two-game losing streak.
Nag-ambag si Dennis Schroder ng 14 puntos mula sa bench para sa Hawks.
Pinamunuan ni rookie center Jahlil Okafor ang Sixers sa ginawang 21 puntos habang si Nerlens Noel ay nagtala ng siyam na puntos at 13 rebounds. Si Ish Smith ay nagtapos na may 12 puntos at pitong assists.
Rockets 103, Jazz 94
Sa Houston, kumana si James Harden ng 33 puntos para pangunahan ang Houston Rockets na taluning muli ang Utah Jazz.
Ang Rockets ay galing sa 93-91 panalo noong Martes sa Salt Lake City.