KAHIT paano ay hindi maiaalis na maalarma sina San Miguel Beer coach Leovino Austria at ang kanyang mga bata sa nagagawa laban sa kanila ng Rain or Shine hindi lamang sa semifinal round kundi sa kabuuan ng Philippine Cup.
Kasi, kung tutuusin, dapat ay 2-0 na ang bentahe ng Elasto Painters at 3-0 na ang record ng Rain or Shine kontra sa Beermen.
Magugunitang tinambakan ng Rain or Shine ang San Miguel Beer, 99-84, nang sila ay unang magkita noong Nobyembre 4.
Sa parehong laro ng semifinals ay nakaalagwa nang maaga ang Elasto Painters subalit magkaiba ang naging ending.
Sa Game One ay nilamangan ng Elasto Painters ng 22 puntos ang Beermen. Angat pa nga ng 20 puntos ang Rain or Shine, 81-71, bago nagsimula ang fourth quarter. Pero nakahabol ang Beermen upang magwagi, 109-105.
Sa Game Two ay nilamangan ng Rain or Shine ang San Miguel Beer ng 25 puntos, 59-34. Naghabol nang naghabol ang Beermen at naibaba nila ang abante sa single digit. Pero kinapos na rin sila sa dulo at tuluyang natalo, 105-97.
E paano kung hindi nakahabol ang Beermen sa Game One? E di bagsak na sila bigtime! At mahihirapan silang makaahon sa 20 puntos abante ng Rain or Shine.
Ang tanong ay: Bakit ba nauunahan palagi ng Rain or Shine ang San Miguel Beer? Bakit ba malamya lagi ang simula ng Beermen?
Nagkukumpiyansa ba ang Beermen dahil sa sila ang defending champion at maraming nagsasabing napakalakas ng kanilang lineup?
Kasi, kung nagkukumpiyansa ang Beermen at tila ba sinasabing kaya nilang maghabol kung gusto nila, aba’y nagkakamali sila. Tandaan natin na puwede sanang ang Rain or Shine ang No. 1 team matapos ang elims kung hindi lang ito nasilat ng NLEX.
Puwede sanang ang San Miguel Beer ang dumaan sa quarterfinals at hindi natin masasabi kung ano ang nangyari sakaling sila ng Talk ‘N Text ang nagtagpo sa sudden-death match bago nag-Bagong Taon. Baka nasilat sila at hindi nakarating sa semis.
Kailangan siguro ay palaging strong start ang Beermen. Hindi rin naman puwedeng iasa lahat kay June Mar Fajardo ang lahat mula umpisa hanggang dulo dahil sa mauubusan ito. Nakita naman natin na sa Game Two ay nagmintis ng sampu sa 23 free throws si Fajardo. Kung pumasok lahat ng iminintis niya, sana nanalo sila.
Pero hindi naman maaaring sisihin ang isang manlalarong pagod na. Aba’y 39 minuto siyang naglaro. Nakagawa siya ng 38 puntos at 17 rebounds. Kulang pa ba iyon?
Dapat ay matulungan siya ng kanyang mga kakampi lalo na ng ibang mga big men ng San Miguel Beer tulad nina JayR Reyes, Yancy de Ocampo at Gabby Espinas.
Bukod sa siya na ang kumakayod nang husto ay nabubugbog pa si Fajardo dahil sa katataga sa kanya ng kalaban.
Kung hindi mapapagod at mananakit ang katawan ni Fajardo nang maaga pa, puwede siyang mapakinabangan nang husto sa endgame.
Tulung-tulong dapat.