San Miguel Beer, Rain or Shine unahan sa 2-1 semifinals lead

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
5 p.m. Rain or Shine vs San Miguel Beer

MAKAUNA sa 2-1 bentahe ang habol ngayon ng Rain or Shine Elasto Painters at San Miguel Beermen sa Game Three ng kanilang 2016 Smart Bro-PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang sagupaan ng Rain or Shine at San Miguel Beer ay gaganapin dakong alas-5 ng hapon.

Ang Elasto Painters ay nagawang makaiwas sa isa na namang biglang pagtukod sa ikaapat na yugto matapos mapigilan ang Beermen noong Huwebes ng gabi, 105-97, para itabla ang kanilang semis series sa tig-isang panalo.

Pinangunahan ni Jeff Chan ang balanseng opensa ng Rain or Shine sa Game Two sa kinamadang 16 puntos subalit muling sasandalan ni Elasto Painters coach Yeng Guiao ang suportang makukuha mula kina JR Quinahan, Paul Lee, Don Trollano, Raymond Almazan, Gabe Norwood at Jericho Cruz.

Aasahan naman ni San Miguel Beer coach Leo Austria si June Mar Fajardo para pangunahang muli ang Beermen at makakatuwang niya sina Arwind Santos, Ronald Tubid, Chris Ross, Alex Cabagnot, Chris Lutz at Marcio Lassiter para maiwasan ng koponan na muling nagkumahog para makabangon sa higit na 20 puntos na paghahabol.

Read more...