Mga seafarer, mas malapit sa Diyos

PILIPINAS pa rin ang tinaguriang “Manning Capital of the World.”

Nangangahulugan na ang Pilipino pa rin ang karamihan sa mga naglalayag sa karagatan. Kaya nga madalas na biruan na “Wala na umanong naglalayag na barko na walang Pilipino.” Palaging mayroong nakasakay na Pinoy seaman o di kaya, para naman sa mga landbased OFWs, walang duda na palaging may Pilipino umano saanmang sulok ng mundo.

May kakaibang katangian kasi ang mga seafarer na Pinoy.
Ayon kay Admiral Adonis Donato, pangulo ng OSM Maritime Services at matagal ding naging kapitan

ng barko kasama ng iba’t-ibang mga lahi na naglalayag sa karagatan, palaging inuuna umano nila ang pasasalamat sa Diyos at madalas na pagtawag sa Kanya sa pamamagitan ng pananalangin.

Pinaglalaanan talaga nila ng panahon ang espirituwal na mga bagay.

Ayon naman kay Delia, maybahay ng seaman na 10 taon nang sumasakay, naging maka-Diyos umano ang asawa niya simula nang magbarko ito. Dati-rati ni hindi umano ito nananalangin, ngunit nang maging seaman ay laking gulat niya dahil unang baba pa lamang ay agad na itong umusal ng panalangin ng pasasalamat sa hapag kainan.

Sabi nga ng isang kapitan ng barko na ayaw nang magpakilala, hindi totoo ang matagal nang biruan at taguri sa kanilang mga seaman na “seamanloloko” raw ang mga seafarer.

Sang-ayon naman talaga tayo sa kanila. Hindi maaaring maging pare-pareho ang tao. Pero ang nakatutuwang malaman, sa obserbasyon ng mismong mga nasa industriya maritima, mas malapit umano sa Diyos ang mga seaman.

Alam naman nating lahat na kapag sumampa na ng barko ang isang seaman, sinasabi nilang kalahati na ng kanilang buhay ay maaaring nasa hukay na.

Totoo naman talagang napakadelikadong magbiyahe sa karagatan. Walang kasiguruhan kung anong klima at mga kalagayan sa bawat bansang daraanan nila. Nariyan pa ang pangamba na maaaring madukot sila ng mga pirata. Hindi na rin biro ang dinanas ng mga seaman at kapamilya nila dahil sa pandurukot ng mga piratang ito kapalit ng malaking halagang ransom na hinihingi nila sa mga principal ng barko kapalit ng ulo ng mga seafarer.

May mga panahon pa ngang hindi nasuwelduhan ang buong crew ng dahil sa ilang milyong dolyar na kailangang ibayad ng may-ari ng barko sa naturang mga pirata.

Bukod sa mga panganib na kinakaharap ng bawat seaman, kahit anong lahi, tiyak namang dalawa lamang ang nakikita nila sa buong panahon ng kanilang paglalayag: Ang langit at dagat lamang.

At kapag nagmamasid ang isa sa mga nilikhang ito ng Diyos na hindi kayang ipaliwanag na sinumang tao, lalo lamang lumalaki ang paghanga, paniniwala at pananampalataya ng tao na may higit na mas makapangyarihan sa lahat na siyang gumawa ng langit at lupa.

Ito ang dahilan kung bakit lalong mas malapit ang mga seafarer sa Diyos. Ang kanilang pagkalantad sa kalikasan sa kanilang pang araw-araw na buhay, sa kanilang pagtatrabaho at sa buong panahon ng kanilang paglalayag.

Palibhasa’y nabubuhay na rin sa makabagong teknolohiya, kahit nasa barko, puwedeng puwede rin silang makakuha ng mga espirituwal na pagkain. Sa pamamagitan ng website na jw.org, nagagawa nilang matutunan ang mas mahahalagang bagay kung paanong higit na pahalagahan ang buhay at manampalataya sa ating manlilikha na may layunin ang buhay at hindi lamang basta ang umiiral ang tao nang walang dahilan.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com
Bantay OCW Foundation satellite office: 3/F, 24H City Hotel, 1406 Vito Cruz Extension cor. Balagtas St., Makati City Tel: +632.899.2424

Read more...