Granada ng ex-cop sumabog; 2 patay, 2 sugatan


Nasawi ang isang ginang at isang 12-anyos na binatilyo habang dalawa pang tao ang sugatan nang masabugan ng granadang pag-aari ng retiradong pulis, sa Catarman, Northern Samar, iniulat ng pulisya.

Dead on the spot si Mercy Catarungan, 51, at si Cedrick John Balanday, 12, ayon kay Supt. Jose Manuel Payos, hepe ng Catarman Police.

Malubha namang nasugatan sina Josefina Balanday, 46, at Merlito Catarungan, 15, na kapwa nagpapagaling ngayon sa Northern Samar Provincial Hospital, aniya.

Naganap ang pagsabog dakong alas-11:45 ng umaga Sabado, sa bahay ni Mercy Catarungan sa Brgy. Dalakit.

Lumabas sa imbestigasyon na sumabog ang isang bala ng grenade rifle na nasa stock room ng bahay.

Napag-alaman na ang granada ay pag-aari ng dating mister ni Mercy na si retired SPO1 Renato Catarungan.

Naiwan umano ng dating pulis ang granada nang lumipat sa Maynila matapos magretiro sa serbisyo noong 2013, sabi ni Payos sa isang kalatas.

Nadiskubre naman umano ni Mercy ang naiwang granada ng dating mister matapos salantahin ng bagyong “Nona” ang Northern Samar noong Disyembre.

Read more...