KUNG Boy Sisi ang naging taguri kay Pangulong Aquino at Boy Pickup naman kay dating Interior Sec. Mar Roxas, tila mantsa namang dumikit kay Sen. Chiz Escudero ang tawag na Boy Laglag. Ang isang taguri, gaya ng tsismis, lalo na at pasabog, kung paulit-ulit na narinig at nagpasalin-salin ng bibig, aakalain na ng tao na totoo.
Ito ang paulit-ulit na ginagawa kay Chiz ng kanyang mga kalaban sa politika, patuloy na kinukulapulan ang kanyang imahe ng kung ano-anong taguri: traydor, ahas at sakim.
Pero totoo ba ito?
Ayon sa grupong sumusuporta umano sa kandidatura ng ka-tandem ni Escudero na si Sen. Grace Poe, ang Philippine Crusaders for Justice (PCJ), inilaglag ni Chiz ang senadora nang puwersahin umano niya itong patakbuhin sa pagkapangulo gayong alam daw ng lahat na madidiskwalipika lamang ito.
Hirit pa ng grupo, na sumugod pa sa Supreme Court upang iapela ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang kandidatura ni Poe, iiwanan din umano ni Chiz si Poe upang isulong ang sariling kandidatura dahil nangunguna ito sa mga survey sa pagka-bise presidente.
Ang kanilang umano’y pruweba: Nakikipagmabutihan muli si Chiz kay United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay na kanyang sinuportahan noong 2010 elections subalit inilaglag din kinalaunan.
Dagdag pa ng PCJ, hindi isang beses nang-iwan sa ere si Chiz.
Matatandaan, na imbes na si dating Sen. Raul Roco na kanyang kababayan ang suportahan ay ang namayapang si Fernando Poe ang kanyang ikinampanya noong 2004 elections.
Noong 2009, nilayasan din ni Chiz ang kanyang partidong Nationalist People’s Coalition (NPC) dahil sa di-pagkakaunawaan umano sa pondo para sa kanyang planong pagtakbo sa pangulo.
At noong 2010 elections, habang inasahan ng marami na ikakampanya rin niya ang ka-tandem ng kanyang kaibigang si Aquino, na si Roxas, si Binay ang itinaguyod ni Chiz.
Limang taon matapos suportahan si Binay, nilagdaan ni Chiz ang Senate committee report na nagrerekomendang kasuhan ng plunder ang Bise Presidente at anak nitong si Junjun. Kinastigo rin nito si Binay nang tumanggi ang huli na sagutin ang alegasyon ng korupsyon laban sa dito at sa pamilya nito.
Makatarungan nga ba ang mga litanya at paratang kay Chiz na siya ay si Boy Laglag o walang basehan at pawang intriga na ang tanging layon ay ulit-ulitin at magpasalin-salin upang pagsabungin ang senador at si Poe, at paniwalaan naman ng publiko, gaya ng iginigiit ng kampo ng dalawa?
Abangan sa resulta ng halalan.
NGAYON pa lang ay dapat nang iplano ang paglipat ng mga taga-Metro Manila sa mga probinsya dahil kung aabutin pa tayo ng 2020 ay baka hindi na tayo makalabas ng bahay sa dami ng mga sasakyan sa lansangan.
Ayon kay John Forbes, senior advisor ng American Chamber of Commerce of the Philippines, humigit-kumulang na dalawang milyong sasakyan ang madadagdag kada taon simula 2020.
Sa kasalukuyan ay may dalawang milyon at kalahati na bumibiyahe sa rehiyon. Samantalang ngayong taon ay inaasahan sa mahigit 300,000 ang maibebenta sa publiko.
Mayroon lamang kabuuang sukat na 638 kilometro kuwadrado ang Metro Manila at mayroon lamang na 1,032 kilometro ng kalsada.
Imadyinin mo ang milyon-milyong sasakyan, mahigit 70 porsyento nito ay pribado, na sabay-sabay na bibiyahe.
Hindi ka na nga makaaalis sa kinauupuan mo, may panganib pa na masinghot mo ang usok ng tambutso dahil 85 porsyento ng air pollution sa rehiyon ay mula sa mga sasakyan.
Bangungot, di ba? Gugustuhin mo pa bang lumabas ng bahay? Siyempre, hindi na.
Isang malaking bangungot din ito sa mga susunod na manunungkulan.
Paano nila sosolusyunan ang trapiko na dulot ng milyon-milyong sasakyan?
May kakayahan kaya silang pasimulan ang pagtatayo ng iba pang mga access roads tulad ng sa LRT at MRT gayong hanggang ngayon ay di maayos ang kasalukuyang train systems?
Maipatutupad kaya nila ang epektibong traffic control management gayong hanggang ngayon ay nakabalagbag pa rin ang mga bus sa Edsa at ginagawang terminal ng mga jeep at taxi ang iba pang lansangan?
Madugo ang problema sa trapiko sa Metro Manila, kaya sa parating na eleksyon (at bago pa maging isang parang malaking lata ng sardinas ang Maynila), nararapat lamang na iluklok ang isang gobyerno na kaya itong solusyunan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
