KINASUHAN ng attempted homicide ng Quezon City Police ang isang babae na umano’y umatake sa biyenang babae ni 2nd District Representative Alfred Vargas sa loob ng Banco De Oro sa kahabaan ng Aurora blvd. sa kanto ng Doña Juan, Quezon City noong Martes.
Dinala na ang suspek na si Cynthia Huang, 37, sa prosecutors office para sa inquest proceeding.
Base sa police report, nangyari ang insidente ganap na alas-4 ng hapon.
Pumasok sa loob ng bangko ang biktima na si Nerissa Espirity, 64, isang retiradong guro at biyenan ni Vargas at pumunta sa senior citizens’ lane.
Idinagdag ng pulis na matapos makipag-usap sa kanyang kasama, mabagal na naglakad ang biktima sa isang bakanteng upuan para sa mga senior citizen nang pumasok ang suspek at mabilis na inokupa ang kaparehong upuan.
Nagkaroon ng pagtatalo matapos na kumprontahin ng suspek ang biktima.
Tinangka pang awatin ng mga guwardiya ang dalawa nang damputin ng suspek ang acrylic glass na nilalagyan ng mga leaflets sa bangko at ipinukpok ito sa ulo ng biktima ng paulit-ulit.
Agad na dinala ang biktima sa UERM Hospital.
Nakipag-ugnayan naman sina Police Officers 1 Ruby Rose Rosales, Elaine Bibat, Dave Jonell Gomez at Frederick Salvador sa pamunuan ng bangko at security personnel.
“The management of the bank refused to turn-over the suspect who stayed inside the bank,” sabi ng pulis.
Sumuko lamang ang suspek sa mga pulis ganap na alas-7 ng gabi nang dumating na ang kanyang abogado.
Samantala, kinasuhan naman ng suspek si Espiritu ng physical injuries, grave threats at robbery matapos umanong tangayin ang P100,000.