Blackwater Elite nakapasok sa quarterfinals
Mga Laro sa Biyernes (Mall of Asia Arena) 4:15 p.m. Globalport vs Barako Bull 7 p.m. Star vs Barangay Ginebra
NAHABLOT ng Blackwater Elite ang unang pagpasok ng prangkisa sa playoff round matapos talunin ang Mahindra Enforcers, 108-99, sa kanilang labanan para sa huling quarterfinals slot sa 2015-16 Smart Bro PBA Philippine Cup elimination round kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sinayang ng Elite ang 20 puntos na kalamangan sa ikaapat na yugto bago napigilan ng beteranong point guard na si Mike Cortez ang Enforcers, na nakadikit sa limang puntos may isang minuto na lang ang nalalabi sa laro, sa pagkamada ng anim na puntos sa huling 50.5 segundo.
Umiskor si Cortez ng career-high 30 puntos at 10 rebounds habang si Reil Cervantes ay nagdagdag ng 24 puntos, na nilakipan ng 6-of-8 3-pointers para sa Blackwater, na makakasagupa ang No. 3 seed Rain or Shine sa quarterfinals kung saan tangan ng Elasto Painters ang twice-to-beat advantage.
“This is our first playoffs appearance since entering the PBA. We’re excited about this,” sabi ni Blackwater head coach Leo Isaac, na ang koponan ay isinara ang kampanya sa elimination round sa 3-8 kartada matapos na hindi makasungkit ng panalo sa pareho ring kumperensiya sa nakaraang season.
“I’m happy for management. Going into our second year, we’re getting results after developing into a team that can compete with the top caliber teams,” dagdag pa ni Isaac.
Si Cervantes, na ang ikalawa sa kanyang apat na 3-pointers sa huling yugto ay nagbigay sa Blackwater ng 86-66 kalamangan may 10:37 ang natitira sa orasan, at Cortez ay nagsanib sa 26 ng 28 puntos ng Blackwater sa ikaapat na yugto.
Sina Aldrech Ramos, na umiskor ng 22 puntos, Michael DiGregorio, KG Canaleta at LA Revilla ang namuno sa ratsada ng Mahindra sa huling yugto.
Ang driving layup ni Revilla ang nagpadikit sa Enforcers sa limang puntos, 104-99, may 46.0 segundo ang nalalabi subalit sumablay siya sa kanyang triple matapos na ang kanyang koponan ay nakapuwersa ng five-second violation.
Sinelyuhan ni Cortez ang panalo ng Elite matapos na maghulog ng apat na free throws sa huling 35 segundo ng laro.
Sa ikalawang laro, napigilan ng Barangay Ginebra San Miguel Kings ang huling ratsada ng Talk ‘N Text Tropang Texters para manaig, 91-84.
Naglaho ang 18 puntos na kalamangan ng Kings sa ikaapat na yugto matapos matapyas ito sa apat na puntos, 85-81, mula sa back-to-back triples nina Jayson Castro at Larry Fonacier may 2:56 ang nalalabi sa laro. Subalit nagawang makabawi ng Kings sa pangunguna ni Greg Slaughter.
Ang 7-foot center na si Slaughter ay nagtala ng 27 puntos, 14 rebounds at tatlong shotblocks para dominahin ang frontline ng Tropang Texters na hindi nagamit ng husto si Moala Tautuaa bunga ng iniindang back spasms.
Ang Kings, na nanalo ng tatlong sunod na laro, ay tinapos ang elimination round bilang No. 4 seed sa 7-4 record at makakaharap nila ang Star Hotshots sa quarterfinals na magsisimula sa Biyernes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
