Mga butangerong presidentiable

HINDI nakatatawa at lalong hindi nakatutuwa ang ginagawang palitan ng maaanghang na salita at hamunan ng dalawang presidentiable na sina dating Interior Secretary Mar Roxas at Davao City Ma-yor Rodrigo Duterte.

Ilang araw ding bumandera sa harapan ng mga pahayagan, telebisyon, radyo, at maging sa social media ang tila parang mga bata na pag-aaway nina Roxas at Duterte.

Nagsimula ang lahat nang sabihin ni Duterte na sasampalin niya si Roxas matapos nitong sabihin na hindi totoo na mababa ang crime rate sa Davao City kung ang statistics ang pagbabatayan. Bukod pa sa sinabing peke o hindi totoo ang Wharton credential na ipinalulutang ng kandidato ng administrasyon.

Dala marahil ng pagkapikon o di kaya ay pagka-insulto, bruskong-bruskong kumasa si Roxas kay Duterte at sinabing magpapasampal siya rito kung hindi totoong nakapagtapos siya sa University of Wharton, at sasampalin naman niya ito kapag totoong tapos nga siya sa nasabing bigating unibersidad.

Hindi pa nakuntento, inayawan ang sampalan ng dalawang “machong” presidentiable. Umayaw si Roxas sa sampalan dahil anya pambabae lang ang ganitong uri ng away. Bakit hindi na lang daw sila magsuntukan ng alkalde ng Davao City?

Dahil ayaw rin padaig ng pala-murang alkalde, hinamon naman niya ang manok ni Pangulong Aquino na magbarilan na lang daw sila.

Ang dalawang ito ay hindi tumatakbong lider ng mga gang sa kulungan gaya ng Sigue-Sigue Sputnik o grupo ng mga sindikato o criminal. Sila ay mga indibidwal — na hindi naman salat sa pinag-aralan — ay kapwa hinahangad ang maging lider ng buong bansa at tumayong ama ng mahigit 100 milyong Pilipino.

Pero ano itong asal na kanilang ipinamamalas sa kanilang mga kababayan? Para silang mga bata na nag-aagawan sa kendi o laruan? Para silang mga “brat” at “bully” na hindi pahindian o maaaring kontrahin ng sinuman.

Ano itong ipinakikita nilang ugali sa mamamayan na sa kanila ay umaasang magiging mabuting ehemplo, lalo na ng mga kabataan na sa mga darating na panahon ay sila namang tatayong lider ng bansa? Ano ba ang nais nilang patunayan sa inaasal nilang ito: Na sila ay walang kinatatakutan; na wala silang inuurungan; na sila ay matatapang na lalaki?

Sa halip na ipaliwanag sa mamamayan ang kanilang mga programa at plataporma para sa bayan at kung paano nila gagawin ang mga ito para matiyak ang kinabukasan ng bayan, bakit basura ang uri ng politikang kanilang ipinamamalas ngayon?

Imbes na tumaas ang uri ng diskurso ng mga magkakatunggaling politiko ay kung bakit tila nagiging personal ang kanilang bakbakan.

Ganito ba ang kaledad ng lider na nais nating iluklok sa Palasyo?

Ang galing, husay, tapang at determinasyon ay hindi napapatunayan sa kung gaano kalutong ang iyong pagmumura o kung ano ang kaya mong gawin sa iyong kalaban.

Bukod sa tapat, magaling, di corrupt na lider, kailangang kagalang-galang at hindi bastusin ang pangulong ating iluluklok.

Read more...