Pagmumura, ‘pagpatay’ ni Rody cool ba talaga ?

KUNG dati ay hinahangaan ang katapangan ng presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, mukhang marami na ang nadidismaya ngayon.

Feeling nila ay sumosobra na ang pagsasalita ni Duterte lalo na ang kanyang pagmumura.

Noong una ay i-naakala ng iba na cool ang pagmumura ni Duterte pero marami ang nag-iba ang pagtingin sa kanya ng murahin niya ang Santo Papa.

Sa kasaysayan ng Pilipinas ay ngayon pa lamang yata mayroong kandidato na gumawa nito. Kung merong mga pulitiko na takot sa mga pari (kaya nga dekada ang inabot bago naipasa ang Reproductive Health Bill) mukhang hindi kasali sa kanila si Duterte.

Kung ang pagiging matapang umano ang puhunan ni Duterte, mukhang lumagpas ito sa sukatan ng marami at parang wala na siyang kinatatakutan o iginagalang man lang.

Kung isasabak daw si Duterte sa dayalogo sa mga China kaugnay ng Spratlys Island baka raw maisubo niya sa gera ang bansa at baka paulanan tayo ng bala ng mga Intsik.

At gaya ng alam ng mga taga-Davao City, hindi naman bago kay Duterte na ilagay ang batas sa kanyang mga kamay.

Inamin din naman niya na marami na siyang napatay. Ayon sa Amnesty International mayroong 700 pagpatay na iniuugnay kay Duterte dahil sa Davao Death Squad.

Pero feeling siguro ni Duterte ay minamaliit siya ng AI kaya ang kanyang sagot sa kanila 1,700 ang kanyang na-patay hindi 700 lang.

Kaya ang lumalabas, bukod sa pagmumura sa mga matataas na tao, ang claim to fame ni Duterte ay ang mga pagpatay.

Pasalamat daw si Duterte at hindi siya Muslim. Kasi yung mga Muslim daw hindi pa natutukoy kung sino sa kanila ang salarin pinaghuhuli na sila.

Ito raw si Duterte umaamin na sa pagpatay, wala lang.

At hindi pa natigil dito ang pagpapakita ni Duterte na siya ay siga ng sabihin niya na sasampalin ang presidential bet ng Daang Matuwid na si Mar Roxas.

Sabi ni Roxas hindi daw crime free ang Davao City gaya ng sinasabi ni Duterte kung ibabatay sa mga datos na ipinadala ng mga pulis na nakatalaga sa lungsod.

Sa halip na sagutin ng datos at patunayan na nagsisinungaling si Roxas ang ginawa ni Duterte ay sinabihan na sasampalin ang dating kalihim.

Ganito rin kaya ang gagawin niya sa mga lider ng Intsik? Kung gagawin niya ito ay baka hindi sampal kundi bomba mula sa China ang iganti sa atin.

O baka naman sinasadya ni Duterte ang pang-inis kay Roxas. Kung madi-diskuwalipika ay baka sa administrasyon niya ito nais na ibintang.

Pero ang ipinakikitang tapang ni Duterte ngayon ay hindi nakita bago ang paghahain ng certificate of candidacy.

Kung matatandaan ay urong-sulong si Duterte kung tatakbo o hindi. Maglalabas ng pahayag na hindi tatakabo, pero pa-tuloy ang pag-iikot sa iba’t ibang lugar.

At noong deadline ay nagsumite ang kanyang kampo ng COC para sa pagka-alkalde ng Davao City.

At bago ang deadline ng substitution ay binawi niya ito at naghain ng COC sa pagkapangulo.

Ang tanong ngayon ay kung papayagan siya ng Commission on Elections na tumakbo.

Read more...