Singaporean employers inakusahan na ginutom ang Pinay domestic helper sa loob ng 15 buwan

Unknown
HUMARAP sa korte ang mag-asawang Singaporean na nahaharap sa kaso matapos umanong gutumin ang dati nilang Pinay domestic worker, dahilan para bumaba ang kanyang timbang ng 20 kilo sa loob lamang ng 15 buwan.
Tumitimbang lamang ang biktimang si Thelma Oyasan Gawidan, 40, ng 29 kilo nang siya ay ma-confine sa Tan Tock Seng Hospital (TTSH) Abril noong isang taon, mula sa dating timbang na 49 kilo noong Enero 2013.
Kapwa kinasuhan ang mag-asawang sina Lim Choo Hong, 47 at si Chong Sui Foon, 47.
Sa testimonya ng isang doktor mula sa TTSH na siyang tumingin sa biktima matapos siyang dalhin sa ospital ng isang shelter, Abril 29 noong isang taon, hindi umano ito pinakain ng tama.
Ayon sa biktima, dalawang beses lamang siyang pinakain at tinapay at noodles lamang ang ibinibigay sa kanya.
Nang ilabas sa ospital si Gawidan noong Hunyo, 2014, bumigat na ang kanyang timbang sa 43 kilo.
Nahaharap ang mag-asawang Lim at Chong sa 12 buwang pagkakakulong at multang $10,000.

Read more...