Barako Bull Energy diniskaril ang Star Hotshots
Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Meralco vs Rain or Shine
7 p.m. Alaska vs San Miguel Beer
NAGSAGAWA ang Barako Bull Energy ng matinding ratsada sa ikaapat na yugto para biguin ang hangarin ng Star Hotshots na selyuhan ang puwesto sa quarterfinals, 101-83, sa kanilang 2015-16 PBA Philippine Cup elimination round game kahapon sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Naghulog ang Energy ng 21-2 ratsada para ang apat na puntos na paghahabol ay gawing 88-73 kalamangan matapos ang dalawang free throws ni Jeric Fortuna may 4:28 ang nalalabi sa laro.
“Our obligation is to give our best every game,” sabi ni Barako Bull head coach Koy Banal, na ang koponan ay nanatiling palaban sa twice-to-beat advantage sa quarterfinals. “I’ve got to hand this win to my veterans they responded after we lost to Blackwater in our last game.”
Pinamunuan ni Josh Urbiztondo ang Barako Bull sa kinamadang 24 puntos, 15 dito mula sa 3-point area, habang ang mga kakamping sina JC Intal at Willie Wilson ay nag-ambag ng tig-18 puntos para sa Energy na umangat sa 5-5 win-loss record matapos na tambakan ng Blackwater Elite, 116-92, noong Biyernes.
Malaki rin ang itinulong ni Mick Pennisi para sa Enegy lalo na sa depensa kung saan mayroon siyang tatlong shotblocks maliban pa sa 14 puntos.
Kinamada ni Fortuna, na dating University of Santo Tomas star point guard, ang lahat ng kanyang 14 puntos sa ikaapat na yugto para mapunan ang pagkawala ni RR Garcia, na hindi nakapaglaro bunga ng injury sa kanang balikat.
Si Mark Barroca ay gumawa ng 17 puntos para pa-ngunahan ang Hotshots, na pinakawalan ang pagkakataong makapasok na sa quarterfinals matapos sayangin ang 11 puntos na kalamangan sa ikatlong yugto.
Si Star guard James Yap ay umiskor ng 12 puntos subalit hindi na siya nakagawa sa ikaapat na yugto.
Ang hook shot ni Yousef Taha sa 6:46 ng ikaapat na yugot ang unang basket ng Star matapos na ang Barako Bull ay makaiskor ng 13 puntos sa pagsisimula ng huling yugto.
Sa ikalawang laro, binura ng Barangay Ginebra Kings ang itinalang 22 puntos na kalamangan ng NLEX Road Warriors para itakas ang 91-90 pagwawagi.
Si Scottie Thompson, na nagtapos na may 14 puntos, ay naghulog ng game-winning free throws para ibigay ang panalo sa Gin Kings.
Kumana si Greg Slaughter ng 18 puntos para pamunuan ang Barangay Ginebra na umakyat sa 6-4 kartada.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.