Nasawi ang isang lalaki nang pagbabarilin sa harap ng kanyang misis at 3-anyos na anak, sa Zamboanga City kahapon ng hapon, ayon sa pulisya.
Dead on the spot si Joemar Jawadin, 38, dahil sa tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan, ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Naganap ang pamamaril dakong alas-5:45 sa Malunggay Drive, Brgy. Sta Barbara.
Naglalakad noon si Jawadin, ang kanyang misis, at anak na babae patungo sa bahay ng kanyang tiyahin para kamustahin ang kanyang ama, na bumisita mula Jolo, Sulu.
Nauuna sa paglalakad si Jawadin at dalawang dipa lang ang layo sa misis at anak, nang lapitan at pagbabarilin ng isang lalaki, ayon sa ulat.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis sa pinangyarihan ang apat na basyo at dalawang slug ng kalibre-.45 pistola.
Inaalam pa ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng gunman, na pasimple lang naglakad palayo matapos ang insidente. (John Roson)