Pinasaringan ni Sen. Grace Poe ang Tuwid na Daan ng administrasyon na inilarawan niyang ‘ma-trapik’.
“Sabi nila, meron na raw nagawa na matuwid na daan. Tuwid nga, ma-trapik naman,” ani Poe sa isang press statement. “Sa madaling salita, meron din mabuti na nagawa ang huling administrasyon. Pero kailangan din nating magising sa katotohanan: hindi lahat ng naisagawa nung nakalipas na anim na taon ay nakapagbigay ng ginhawa sa karamihan. Marami pa rin ang naghihirap, nagugutom at walang pag-asa.”
Ayon kay Poe, mahigit 20 porsyento ng mga empleyado ng gobyerno ay nananatiling contractual o co-terminus kaya maaari silang mawalan ng trabaho anumang oras.
“Walang higit na sasakit pa sa isang manggagawa, sa pribado o sa pampublikong sektor man, na magising siya isang araw, wala na siyang trabaho dahil natapos o tinapos na ang kanyang kontrata, o kaya naman, tinanggal siya dahil hindi siya ‘kasangga’ o ‘kabagang’ ng pulitikong naluklok sa puwesto,” ani Poe.
Umaasa naman si Poe na papayagan siyang tumakbo ng Commission on Elections at sinuguro sa kanyang mga suporter na hindi siya aatras sa laban.
“Tuloy po ang laban natin,” dagdag pa ni Poe. “Para sa ating mga kababayan, umasa po kayong patuloy akong tatalima sa inyong kagustuhan para sa halalan sa 2016.”
Kinukuwestyon ang residency at citizenship ni Poe na kailangan upang makatakbo sa pagkapangulo.
Nanawagan din si Poe sa malinis at kapanipaniwalang halalan.
“Kailangan ang ating eleksyon ay walang duda at kailangan maayos at malinis ang proseso. Kasi nakita naman natin kapag hindi maayos ang proseso ay hindi ito papayagan ng taumbayan,” ani Poe.
MOST READ
LATEST STORIES