Davao pug pasok sa semis ng MPSC boxing tourney

TINALO ni Jommilardo “Turboy” Ogayre ng Davao City si Lloyd Soletario ng Pacman-Labangal sa pamamagitan ng puntos para makapasok sa semifinals ng 3rd Manny Pacquiao Sports Challenge (MPSC) Mindanao Open amateur boxing tournament sa Robinsons Place sa General Santos City.

Ang 16-taong gulang na si Ogayre ay ang naiwang boksingero ng Davao City Boxing Club (Daciboc) ni Kagawad Tata Villafuerte matapos na ang lahat ng kanyang pitong kasamahan sa koponan ay natanggal sa limang-araw na boxing event na inorganisa ng Manny Pacquiao Sports Association.

Ang huling napatalsik ay ang baguhang si Ephraim Ramirez ng Calinan na tinalo ni Francis Jay Diaz ng Cagayan de Oro City sa 49-52 kilogram Youth Boys flyweight division.

Si Ogayre, na nanalo ng tansong medalya sa 2013 Palarong Pambansa sa Dumaguete City, ay kasalukuyang hinaharap si Arnold Motales Lutayan sa semifinals.

Ang magwawagi sa kanilang semis duel ay makakaharap ang magwawagi sa pagitan nina Mark Andren Antonio ng President Roxas at Reymark Jay Ibanez ng Backyard sa kampeonato ngayon.

“Ang malalakas na kalaban dito ay pareho nang tinalo ni Ogayre kaya malaki ang pag-asa natin na makapasok sa finals,” sabi ni coach Raul Revilla.

Si Ogayre, na isang first year college criminology student ng University of Mindanao, ay galing din sa pagwawagi kay Ryan Sambrano ng Cagayan de Oro sa pamamagitan ng split decision sa pagbubukas ng torneo noong Disyembre 4.

Bagamat madaling araw na dumating sa Gensan noong Disyembre 4, nagawa pa ring talunin ni Ogayre ang nakapagpahingang si Sambrano sa pagdomina sa naunang dalawang round.

Read more...