NEW YORK — Kinamada ni Stephen Curry ang 16 sa kanyang 28 puntos sa ikatlong yugto para sa Golden State Warriors na pinalawig ang NBA-record start nito sa 22-0 matapos magwagi sa Brooklyn Nets, 114-98.
Nagdagdag si Draymond Green ng 22 puntos, siyam na rebound at pitong assist habang si Klay Thompson ay umiskor ng 21 puntos para sa Warriors, na napanalunan ang ika-26 na sunod na laro sa kabuuan sa regular season at isang laro sa likod ng 2012-13 Miami Heat para sa second-longest streak sa kasaysayan ng NBA.
Nanggaling sa magkasunod na 40-point games, naging tahimik ang opensa ni Curry sa first half bago tulungan ang Warriors na muling makontrol ang takbo ng laro laban sa Nets na muntik na silang talunin ngayong season at mukhang kayang-kaya silang talunin.
Thunder 98, Kings 95
Sa Oklahoma City, itinala ni Russell Westbrook ang ikatlong triple-double ngayong season sa ginawang 19 puntos, 10 assist at 11 rebound para sa Oklahoma City na nagawang rumatsada sa huling yugto para talunin ang Sacramento.
Nagbuslo si Kevin Durant ng isang go-ahead jumper may 23 segundo at dalawang free throws sa 4.4 segundo ang nalalabi sa laro para magtapos na may 20 puntos at siyam na rebound para sa Oklahoma City.
Sa iba pang laro, nasilat ng Memphis Grizzlies ang Phoenix Suns, 95-93; dinurog ng Dallas Mavericks ang Washington Wizards, 116-104, at giniba ng Detroit Pistons ang Los Angeles Lakers, 111-91.